PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

‘Mata sa kalsada…MATA!!!’

HINDI MAAARING sumagot ng tawag o magtext ang nagmamaneho ng kotse habang nasa kalsada. Ilan lamang ito sa nakapaloob sa bagong batas na Anti-Distracted Driving Law.

May naging viral nung nakaraan na isang driver ng bus na nakasuot ng headphones. Naniniwala din ang karamihan na ang paggamit ng cellphone habang nagmamaneho ay ang pinagmumulan ng aksidente.

Sa bagong ipinatupad na batas ay hindi na maaaring gumamit ng mga electronic devices ang mga motorista.

Hindi lamang kotse, bus at jeep ang kasama sa mga ito ngunit kabilang din ang mga tricycle, habal-habal, bisekleta, pedicab, kuliglig at ilan pang sasakyan animal o human powered man.

Maaari ka lamang sumagot ng tawag kung gagamitin mo ang earphones pero mahigpit namang ipinagbabawal sa batas ang pagsusuot ng earphone sa pakikinig lamang ng mga kanta.

Kasama sa mga ipinagbabawal na gamitin habang nagmamaneho ay ang TV, calculator, two-way radios, video game consoles, laptops at ilan pang electronic devices.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:

Marami na sa mga nagmamaneho lalo na sa Uber at Grab na gumagamit ng Waze o kaya ng Google Map para malaman kung saan sila dadaan papunta sa kanilang pasahero.

Maging ang paggamit nito ay ipinagbabawal din. Ayon kay Land Transportation Office (LTO) Chief Ed Galvante na gamitin na lamang nila ang speaker kaysa tingnan nila ang kanilang mga cellphones.

Bago pa man bumiyahe ay alamin na nila kung anong ruta ang kanilang dadaanan. Kung talagang hindi maiwasan at kinakailangang gamitin ang kanilang cellphone ay tumabi na lamang sila at hindi yung nakahambalang sila sa trapiko.

Ilan sa mga bagay na dapat malaman o tandaan ng mga motorist tungkol sa batas na ito ay kahit na nakatigil ka basta nagmamaneho ka ay hindi ka pwedeng gumamit ng cellphone kahit pa sabihin mong naka-red light.

Lahat ng uri ng sasakyan ay sakop ng batas na ito. Makina man o hayop ang nagpapaandar basta dumadaan sa kalsada at highways. Maski kalesa ay kabilang din dito.

Ipinagbabawal sa batas na ito ang pagtetext habang nagmamaneho, pagtanggap ng tawag, pagsusulat, pagko-compute, pagbabasa ng mga text messages, paglalaro sa cellphone o anumang gaming devices, pagbabasa ng e-books, panonood ng palabas at pag i-internet.

Pinapayagan lamang ang paggamit ng cellphone kung ang tatawagan ay mga pulis o anumang hotline ng otoridad sa panahon ng emergency o kapag may krimeng nangyayari o pag-atake ng terorismo. Pwede din silang gumamit ng cellphone kung ang kanilang seguridad at kaligtasan ang nakasalalay.

Pinapayagan naman ang paggamit ng earphones at microphones basta’t hindi ito nakakasagabal sa kanilang pagmamaneho ngunit mahigpit na pinagbabawal ang paggamit ng earphone para lamang makinig ng mga kanta.

Makakagamit pa naman sila ng Waze o Google Map sa kalsada ngunit kinakailangang tumabi at dun tingnan ang kanilang mga cellphones.

Ang DOTr at LTO ang manghuhuli sa mga lalabag sa batas na ito ngunit may mga otorisadong miyembro na din ng PNP at MMDA ang maaaring humuli sa mga lalabag.

Ang mga tinted naman na sasakyan ay wala raw ligtas dahil ang kanilang high definition cameras ay nakaka-detect ng ilaw mula sa loob ng sasakyan.

Maliban pa dito mga mga trained enforcers sila na makakapagsabi kung ang nagmamaneho ay lumalabag sa nasabing batas.

Maglalabas naman sa mga susunod na araw ang LTO ng pa­nuntunan sa mga sasakyang tinted.

Sa unang paglabag ay magmumulta ang motorista ng limang libong piso, sa second offense naman ay sampung libong piso at sa third offense ay labing limang libong piso na may tatlong buwang pagkakasuspinde ng kanilang lisensya.

Sa ika-apat na paglabag ay magmumulta ng dalawampung libong piso at mapapawalang bisa ang kanilang lisensya.

Hindi lamang ang driver ang sabit dito kundi maging ang mga operator at may-ari ng pribadong sasakyan.

Nasanay naman tayo na ang mga bus na malayo ang biyahe ay may mga telebisyon. Hindi ito tatanggalin kung hindi naman nakakaabala sa nagmamaneho o hindi siya nakakapanood nito.

Kung sakaling abot tanaw pa ng nagmamaneho ang palabas ay kinakailangan nila itong tanggalin.

Nilinaw naman ng LTO na ang batas na ito ay hindi nila ginawa para sa mga Uber at Grab drivers kundi sa lahat ng mga nagmamaneho upang maiwasan ang aksidente.

Naumpisahan na ang pagpapatupad nito ngunit sabi ng MMDA ay hindi pa sila gaanong maghihigpit. Ano ba talaga, ipapatupad na ba o hindi?

Tanong ko lang din dito, saan ba madalas nagkakaroon ng aksidente? Sa EDSA ba? Bakit kailangan ang EDSA ang bantayan?

Hindi ba madalas nangyayari ang aksidente sa highways kung saan maluwag ang kalsada?

Sagian, gasgasan lamang ang nangyayari sa EDSA at mga road rage. May batas na tayo na bawal gumamit ng cellphone habang nagmamaneho, bakit hindi ito ipatupad?

Hindi sila magkatugma sa kanilang gustong mangyari dahil may nagsasabi na masyadong congested ang EDSA ng mga sasakyan at sinusuggest na magkaroon ng alternatibong ruta.

Ang cellphone ay nakakatulong lalo na pag ginamit mo ang Waze at Google Map para alam mo kung saan ka dadaan.

May nagsasabing kahit iparada mo ang sasakyan mo ay bawal mo pa ding gamitin ang cellphone mo may nagsasabi naman na kung gusto mong gamitin ang Waze pumarada ka dun sa may tabi.

Parang masyado yatang magulo. May nagsabi nga diyan na nagagandahan siya kay Mocha Uson. Mabuti pa kumain na lang tayo ng Mocha cake at Mocha ice cream. Malinamnam na, masarap pa.

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Hotlines: 09198972854

Tel. Nos.: 7103618

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: