PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Kondisyon na naman ng sasakyan

TRAHEDYA na naman. Umabot na sa 32 ang namatay sa paghulog ng pampasaherong bus sa bangin sa Caranglan, Nueva Ecija. Ang lugar kung saan nahulog ang bus ay matindi ang pagzig-zag ng kalsada. Pero ayon sa isang nakaligtas, hindi mabilis ang takbo ng kanilang bus. Sinubukan pa nga ng drayber na pabagalin ang sasakyan, pero tila nawalan ito ng preno. Wala nang magawa ang drayber at tumuloy sa bangin na may lalim na higit 30 metro. 

Ayon sa mga unang impormasyon, may sakay na 60 ang bus. Pero may nagsabi na 45 lang ang opisyal na kapasidad ng bus, kaya maaaring may paglabag kaagad ang kompanya. Ang mga nakaligtas ay dinala sa ospital. Ngayon, panibagong imbestigasyon na naman sa aksidenteng ito, para malaman kung sino ang may pananagutan. Nangako ang Palasyo na aalamin kung sino ang dapat managot.

Kilalang mapanganib ang lugar kung saan nahulog ang bus, dahil nga sa zig-zag na daan. Walang argumento na dapat nasa pinakamaayos na kundisyon ang mga dumadaang sasakyan. Kaya magiging malaking bahagi ng imbestigasyon ang kundisyon ng bus. Nasa maayos ba ang lahat? Bakit tila nawalan, na naman, ng preno? Hindi ba sinisigurado ng mga garahe na maayos ang mga preno, dahil nga sa uri ng daan na tatahakin, bago pinapayagang bumiyahe? Hindi naman siguro basta-basta mawawalan ng preno nang walang indikasyon na may diperensya na. May tagas ba ang mga linya? Makapal pa ba ang preno? Nasa maayos ba ang mga pedal? Lahat ito ay dapat inspeksyunin nang mabuti, para malaman kung nagsisimula na ang sira. Tila nalalaman na lang kapag may nangyari nang masama.

Katatapos lang ng mahabang bakasyon, trahedya kaagad ang sumalubong sa bansa. Nagiging kilala ang Pilipinas para sa mga masasamang aksidente ng bus. Hindi ito ang paraan para makilala ang bansa sa mundo. Kailangan talaga ng mga mas mahigpit na patakaran hinggil sa kaayusan at kundisyon ng mga pampasaherong sasakyan, maging bus, barko, eroplano.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: