PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

‘Timbugin, mga nasa likod ng online shopping scam!’

HIGIT 50 milyong Pilipino ang gumagamit ng internet ngayon at sa kabila ng patuloy na paglago ng teknolohiya sa bansa, sumasabay ang paglobo ng mga nabibiktima ng iba`t ibang modus operandi sa cyber world.

Ayon sa Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG),  pumapangalawa ang online scam o online shopping na may pinakamaraming naitalang reklamo. Nangunguna ang mga kaso ng online libel, sinundan ng online threat, anti-photo at video voyeurism, computer related identity theft at pinakahuli ang hacking. Anumang panloloko gamit ang internet kung saan ang biktima ay natakbuhan ng pera ng kaniyang ka­transaksiyon ay maituturing nang online scam.

Taon 2016, halos 500 kaso ng online scamming ang naitala ng PNP-ACG. Hindi pa kasama rito ang mga reklamong aming natatanggap at ‘yung mga biktimang pinili na manahimik na lamang para iwas abala at sakit ng ulo. Nakababahala, dahil patuloy ang pagdami ng mga biktima. Gamit ang iba`t ibang social media sites kagaya ng facebook at instagram, madaling nakakabitag ng mga parukyano ang scammers. Gamit ang mga magagandang larawan ng iba’t ibang items, samahan mo pa ng konting palabok lang na mga salita ng seller, si Juan buyer agad ng nagpakawala ng pera.

Narito ang ilang palatandaan mula sa PNP-ACG na ang inyong katransaksiyon ay maaaring online scammer: (1) Ang scammer ay magbibigay ng nakakalulang discount sa item na malayo na sa totoong presyo sa merkado; (2) Bayad muna bago shipping – ang suspek ay pipiliting magbayad muna ang kaniyang buyer bago i-release ang item. Magtaka ka lalo kapag inalok ka nitong kahit downpayment o reservation fee muna ang iyong ibayad; (3) Magbibigay ng bank account/s na hindi sa seller nakapangalan upang doon i-deposit ang bayad. Babala, kinakasapakat din ng mga ito ang mga remittance centers kung saan nakakalusot ang mga pekeng pagkakakilanlan at identification cards para makuha ang pera; (4) Mangangako na si scammer na ang na-order na item ay naipadala na, kuda nito, hintay-hintay lamang dahil medyo may katagalan; (5) Dahil hindi pa dumarating ang ipinadalang item, ang suspek ay hindi na makontak sa telepono nito, at nag-deactivate na din ng account sa kanyang mga social media sites.

At dahil nagtatago sa iba’t ibang pangalan ang mga dorobong ito, nahihirapan ang mga otoridad na lambatin ang mga mokong. Ang susi para hindi mabiktima, maging paladuda, mag-research at huwag magpadala sa magagandang larawan lamang. Be vigilant! Huwag hayaan na ang perang pinaghirapan ay masikwat ng mga manggagantso. Gamitin ang internet na i-research kung may mga naitala ng reklamo laban sa seller na katransaksiyon. Huwag katamaran ang pagbabasa at pagkukumpara – maniguro ka!

Kung isa ka sa mga biktima, makipagtulungan sa amin at mga otoridad na timbugin ang mga nasa likod ng modus sa online shopping.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: