PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

EDITORYAL - Pagkukulang ng DPWH sa bus crash

MARAMING sinisilip ang Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa nangyaring pagkahulog ng Leomarick mini bus sa Caranglan, Nueva Ecija noong Martes na ikinamatay ng 31 pasahero at pagkasugat ng 40 iba pa. Nasilip ang pagkasira ng preno ng bus, pagputok ng unahang gulong, overloading at ang kakayahan ng driver na magmaneho nang mahabang oras. Ayon sa mga nakaligtas na pasahero, nagulat na lamang sila nang hindi na mapigilan ang tuluy-tuloy na pagtakbo ng bus at ang kasunod ay ang sigawan at iyakan hanggang sa tuluyan na itong bumagsak sa 100 foot na lalim ng bangin. Halos magkahiwa-hiwalay ang bahagi ng bus sa lakas nang pagbagsak.

Kung ano ang findings ng LTFRB sa nangyari­ ay hindi pa malinaw pero tiyak nakasentro na naman ito sa pagkasira ng preno. Lahat nang nangyaring bus crash ay ang pagkasira ng brake ang dahilan. Maski ang bagumbagong sasakyan kapag nahulog sa bangin o bumangga sa poste ay preno ang sinisisi kaya nangyari ang aksidente. Wala nang iba pang dahilan kundi ang preno.

Sa nangyaring trahedya sa Caranglan, makikita ang pagkukulang ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaya nahulog ang bus sa bangin. Sa ginawang inspeksiyon ng mga taga-LTFRB, nakita na walang barriers sa gilid ng ba­ngin. Kung mayroong konkretong harang sa ba­ngin, maaaring napigilan ang pagbulusok ng bus. Ayon sa report, mayroon daw harang dati ang gilid­ ng bangin pero nabangga raw iyon kaya nasira at hindi na inayos ng DPWH.

Isa pang nakitang kakulangan ng DPWH sa highway ay walang mga babala o signages na dapat ay mag-ingat ang mga drayber sa pagmamaneho. I-tsek ang brake. Magdahan-dahan sapagkat kurbada ang lugar. Wala ng mga ganitong babala na mahalaga sa mga driver.

Kailangang gumawa ng aksiyon ang DPWH at isaayos ang kalsada sa Caranglan at sa iba pang highway sa buong bansa para maging ligtas ang pagbibiyahe.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: