PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Hindi sapat itatwa ang patayang pulis

HINDI sapat itatwa na palpak ang maintenance ng MRT-3; kailangang lutasin ang dalawa o tatlong pagkasira ng mga tren araw-araw. Hindi sapat itatwa ang katiwalian sa BIR at Customs; dapat makolekta ng dalawang ahensiya ang tinakdang targets. Gayundin hindi sapat itatwa ng PNP ang extrajudicial killings. Kung totoong bawat pusher na pinatay sa raid o buy-bust ay nanlaban, dapat may katibayan.

Nagpatunay mismo si PNP chief Ronald dela Rosa ng summary executions. Sa unang hearing ng Senado sa EJKs nu’ng Agosto, tumestigo ang isang babae na niligpit ng dalawang “ninja-cops” ang mga magulang niya para hindi ma-squeal ang pag-recycle nila ng kum­piskadong droga. Matapos ang hearing tumungo si Dela Rosa sa Antipolo City police station para personal na arestuhin ang dalawa. Sa ikalawang hearing ng Senado sa EJKs nu’ng Nobyembre nabunyag ang paglikida ng pulis sa Leyte narco-politico mismo sa kulungan. Agad kinasuhan sila ni Dela Rosa. Sa ikatlong hearing nu’ng Enero, nadetalye ang kidnapping for ransom at pagpatay ng dalawang kolonel, tatlong sarhento, at isang retirado sa Koreanong “drug suspect.” Binuwag ni Dela Rosa ang buong Anti-Illegal Drugs Group na kinabibila­ngan nila.

Pitong-libo katao na ang napatay sa drug war mula nu’ng Hulyo. Mahigit ikatlo nito, 2,500, ay sa mga lehiti­mong police operations daw. Pare-pareho ang ulat sa Luzon, Visayas, at Mindanao: nanlaban sila. Ang bata­yang katibayan nito ay ang sandatang ipinanglaban. Dapat meron na ngayon sa kustodiya ng PNP ng 2,500 “kalawanging .38-caliber revolvers.” Isailalim ito sa independent audit.

Tungkulin din ng PNP lutasin ang 4,500 iba pang patayan. Ito lang ang magpapatunay na walang kinalaman ang pulis sa mga anti-drug vigilantes at sindikatong droga na nag-uubusan.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

 

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: