PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

EDITORYAL - Marami pa ring ‘scalawags’ na pulis

HINDI pa rin nauubos ang “scalawags” sa Phi­lippine National Police (PNP). Hanggang nga­yon marami pa ring nagpaparumi sa imahe ng PNP. Hindi sila nasisindak sa banta ni Pres. Rodrigo­ Duterte at PNP chief Director General Ronald dela Rosa na ipatatapon sa Basilan. Walang epekto ang banta sapagkat marami pa ring naaaktuhang nango­ngotong o nangingikil hindi lamang sa moto­rista kundi pati sa vendors.

Noong nakaraang linggo, pitong pulis mula sa Manila Police Department (MPD) ang nireklamo­ ng mga vendor dahil sa araw-araw umanong pango­­ngotong sa kanila. Sumugod sa MPD Headquarters sa UN Avenue ang mga vendor at nasa kanilang plakards ang mga retrato ng pulis na kanilang nirereklamo sa pangongotong. Ayon sa vendors, hinihingian umano sila ng P200 bawat isa araw-araw. Ang kanilang kinikita sa pagtitinda ay sa mga pulis lamang napupunta. Ang mga pulis na nireklamo ay pawang nakatalaga sa Ermita Police Station 5.

Nang malaman ng MPD chief ang reklamo ng vendors, ipinatawag ang pitong pulis at agad ding sinampahan ng kasong extortion. Binawi ang tsapa at kanilang baril.

Hindi pa natatagalan, dalawang pulis din sa MPD ang kinasuhan din ng extortion dahil sa reklamo ng mga motoristang nagdaraan sa San Marcelino St. Pinapara raw umano ng dalawang pulis lalo kung madaling araw ang mga taxi at hinihingian ng pera. Agad na sinibak ng MPD chief ang dalawang “kotong cops”.

Wala nang takot ang ilang pulis at patuloy sa pagsira sa imahe ng PNP. Nagmistulang mga “anay” na unti-unting ibinabagsak ang organisas­yon. Mas makabubuting sampahan agad ng kaso ang mga “scalawag” at sibakin kapag napatunayan. Huwag nang itapon sa Basilan gaya ng gusto ni Duterte. Paano naman nakasisiguro na hindi na gagawa ng kabuktutan sakali’t itapon sa Basilan ang “scalawags”.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: