Ang Magkapatid (147)
“KAPAG nakaipon na kami ni Gemo, balak na rin naming magpakasal Kuya,” sabi ni Ada.
“Aba oo. Pero kami muna ni Hannah ang magpapakasal. Baka naman mauna pa kayo ni Gemo.’’
Nagtawa si Ada.
“Hindi Kuya! Matagal pa yun. Mag-iipon pa nga kami kaya nga mag-aabroad.’’
“A okey. Pero talaga bang sigurado na kayo ni Gemo sa isa’t isa?’’
“Oo Kuya. Sigurado na kami.’’
“Mukhang mabait naman si Gemo ano?’’
“Oo Kuya. Mabuti rin siyang anak.’’
Napatangu-tango na lang si Ipe.
Saka biglang nabago ang usapan nila nang may maalala si Ada.
“Kuya dalawin natin si Manang Caridad. Baka akala e nalimutan na natin siya.’’
“Sige, dalawin natin sa Linggo. Alam mo pa ba ang pagtungo roon?’’
“Oo naman. Ilang beses na rin akong nakarating sa Manunggal sa Tatalon.’’
“Sige at pagkatapos nating dalawin si Manang Caridad, si Manong Nesto naman.’’ “Alam mo ba kung saan nakatira si Manong Nesto?”
“Hindi pero may number siya sa akin. Puwede ko siyag tawagan para malaman kung saan natin pupuntahan.’’
“Okey Kuya.’’
LINGGO, mga alas diyes ng umaga ay nasa Manunggal St. sa Tatalon sina Ada.
Hindi makapaniwala si Manang Caridad nang buksan ang pinto at makita sina Ada at Ipe.
“Pasok kayo! Pasok!’’
Pumasok ang dalawa.
“Maupo kayo.’’
Nang makaupo ay parang maiiyak na nagsalita si Manang Caridad.
“Akala ko, nalimutan n’yo na ako. Noon ko pa kayo hinihintay.’’
“Hindi ka namin nalilimutan, Manang.’’
“Meron sana akong sasabihin sa inyong magkapatid.’’
“Ano po yun Manang?’’
Huminga nang malalim si Manang Caridad.
(Itutuloy)
- Latest