Field trips
ANG isa sa practices na pinatigil sa aming unibersidad mula nang naupo ako sa pamunuan ay ang mga out of town field trips. Halos 100% ng mga request ay sadyang tinatanggihan ng aming opisina. Ito lang nakaraang linggo, bago pa man naganap ang trahedya sa college students sa Tanay, mayroon na naman kaming hindi pinayagang lumayag.
Ang katwiran ng aming pamunuan ay medyo malaki ang nagiging kargo sa mga bata dahil sa transportation and accommodation costs. Kahit pa sabihing hindi compulsory, siyempre nahihiya naman yung mga hindi makakasama sa lakad lalo na kung karamihan ng mga barkada ay game.
Kahit pa malaking halaga ang gugugulin, ipipilit ito, iuutang para lamang maki-join.
Sa unibersidad namin kung saan libre ang tuition para sa residente ng lungsod na hindi makayanan ang taas ng bayarin, isang hindi inaasahang gastusin ang field trip. Isa ito
sa maituturing na “hidden cost” ng pag-aral – mga sinisingil na wala naman sa listahan ng dapat paghandaan lalo na sa mga hirap na hirap magbudget. Kung kaya piling-pili lang talaga ang okasyon kung saan pinapayagan ang mga mag-aaral na pumalaot.
Ang isa pa at higit na matimbang na dahilan ng pagkwidaw ay ang tiwala sa gagamiting transportasyon at sa lugar na tutuluyan. Hindi lahat ng mga unibersidad ay may sariling mga tourist bus o coaster na maaring gamitin sa paglayag. Kung mayroon man, at least walang ibang maaring sisihin kapag pumalpak ang sasakyan. At doon sa walang sariling masakyan, no choice kung hindi umasa sa mga negosyong charter transport. Siyempre, wala kang control sa kung gaano ka-okey bumiyahe ang mga ito. Sa reputasyon ka na lang aasa.
Ang mga nagpapa- charter tour ay hindi naman parang namamasaheng bus o namamasadang jeep na dahil sa mga prankisa ay laging inuurirat ang kondisyon ng mga sasakyan. Sapalaran talaga ang katapat. Kaya tama lang na muling rebisahin ng CHED at mismong mga unibersidad ang kanilang mga patakaran sa field trips.
- Latest