^

PSN Opinyon

‘Isang daster lang ang dala’

CALVENTO FILES - Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Hotlines: 09198972854

Tel. Nos.: 7103618

PAG-AARI na parang isang bagay ganito ang trato ilang mga among Arabo sa kanilang kasambahay.

Tulad ng isang laruan gusto nilang gawin ang lahat ng anumang gustuhin ng walang nagrereklamo o umaalma.

Isang Household Service Worker (HSW) si Liezel Carlos sa Riyadh. Nabahala ang kanyang ina na si Perla Carlos nang tumawag ito at humingi ng tulong.

Muntik na raw itong mapagsamantalahan ng kanyang amo nang minsang maiwan silang dalawa sa bahay dahil nasa ospital ang kanyang alaga at ang kanyang Madam ang nagbantay.

Taga-Tarlac ang kanilang pamilya at dun din nila nakilala ang nag-recruit sa kanyang anak.

Sa pamamagitan ng Speed Continental Employment Agency Inc. ay nakahanap siya ng employer at nakapagtrabaho sa Riyadh.

“Agad naming ipinaalam sa recruiter niya ang naging problema. Binantaan pa ang anak ko ng kanyang amo na huwag magsusumbong kahit kanino,” pahayag ni Perla.

Mabuti na lang daw at nagawang makapagkulong ni Liezel sa sariling kwarto matapos makaalpas sa among lalaki. Bigla na lang daw kasi siyang pinagyayakap nito.

Nagpumiglas siya at nakahanap ng pagkakataong makatakbo sa kwarto para makapagkulong.

Mag-iisang taon na sana si Liezel doon ngayong Disyembre 22, 2016.

“Tinakot siyang papatayin kapag nagsumbong siya. Ang ginawa namin sa recruiter kami humingi ng tulong at ipapaalam naman daw niya sa ahhensya,” sabi ni Perla.

Isa rin sa naging hadlang kung bakit hindi makapagreklamo si Liezel ay dahil retired police daw ang kanyang amo.

Nag-isip ng paraan ang ahensya para matulungan si Liezel nang hindi nalalaman ng amo na nagsumbong ito sa pamilya tungkol sa nangyari.

Alam din nilang hindi papayag ang employer niya dahil hindi pa tapos ang kontrata nito.

Problema sa pamilya, ito ang naisip nilang gawing dahilan upang ihatid ng employer si Liezel sa ahensya niya sa Riyadh.

“Sinabihan pa raw siya ng amo na nagsumbong yata siya kaya siya pinapapunta. Itinanggi ito ng anak ko. Natakot siya sa amo niya baka kung anong gawin sa kanya,” salaysay ni Perla.

Isang buwan na ang nakalipas bago pa naihatid si Liezel sa ahensya. Ayaw pa sana siyang iwanan ng kanyang amo run ngunit nakiusap ito sa ahensya na kung maaari ay huwag na siyang pabalikin dahil sa takot sa amo.

Tanging cellphone lang daw ang bitbit ni Liezel at kahit na isang dokumento ay wala siyang dala nang magtungo sa ahensya.

Para tuluyang mapayagan itong si Liezel na huwag nang bumalik sa amo naisip na ahensya na palabasing namatay ang kanyang ina.

“Pumayag na ang employer niya na umuwi siya ng Pilipinas. Huling linggo ng Setyembre ang sabi na balik niya ng bansa pero nasa airport na siya nang harangin,” kwento ni Perla.

Wala raw hawak na Iqama o working visa si Liezel kaya hindi siya pinayagang makaalis.

Muling nangako ang ahensya sa pamilya ni Liezel na Oktubre makakauwi na siya ngunit hindi pa rin ito natupad.

Ang lahat ng dokumento ni Liezel ay hawak ng kanyang employer kaya nagkaroon ito ng problema.

Dinala sa Bahay Kalinga si Liezel at hindi nila alam kung paano ito makakauwi ng bansa.

Muling humingi ng tulong sa ahensya ni Liezel sina Perla ngunit hindi na raw ito sumasagot.

Ayon daw sa nag-recruit dito ‘suspended’ daw ang lisensya ng Speed. Nagkaroon daw ng problema sa isang pinaalis nila kaya ganito ang kanilang status.

Nakipag-ugnayan kami sa Embahada sa Riyadh sa tulong ni former DFA Undersecretary Rafael Seguis.

Naiparating kay First Secretary at Consul General Iric Arribas ang aming kahilingan tungkol sa problema ni Liezel.

Kinumpirma niyang noong Agosto 11, 2016 ay dinala nga siya sa Bahay Kalinga.

Ipinaalam niya rin sa amin na inaayos na ang kanyang exit visa at ilan pang dokumento para makauwi na siya ng Pilipinas.

Unang araw sa buwan ng Disyembre 2016 nang makauwi ng bansa si Liezel.

“Hindi niya dala ang maleta  niya ng mga damit. Nandun lahat sa kanyang amo,” sabi ni Perla.

Bagamat ganito ang sitwasyon masaya pa rin daw ang kanilang pamilya dahil nakasama na nila si Liezel.

Yung mga nabili niyang gamit ng anak ay hindi niya nadala. Maging ang sariling mga damit ay hindi raw ibinigay ng kanyang amo.

Pinalalabas umano ng employer ni Liezel na tumakas siya dito ngunit alam naman daw ng ahensya na hinatid siya ng amo sa opisina nito.

Habang nagkukwento raw ang kanyang anak ay naiiyak daw ito dahil iniisip niya kung paano mapag-aaral ang kanyang anak.

Hindi raw naibigay kay Liezel ang kalahating buwan niyang sahod. Binigyan daw siya ng ahensya ng Php15,000 ng ahensya niya sa Manila.

“Php25,000 po ang hiningi ko pero hindi raw nila kayang ibigay at labing limang libo lang ang kaya nila. Mahihirapan pa raw ako kapag naghabol ako at nagreklamo sa OWWA,” ayon kay Liezel.

Napilitan si Liezel na tanggapin ang pera dahil sarado na daw ang ahensya niya sa Manila. Pinapirma naman siya na hindi na siya pwedeng maghabol at magreklamo.

Nang tingnan namin ang status ng ahensya ‘delisted’ na ito.

Muli kaming hihingi ng tulong sa embahada para sa mga gamit ni Liezel para malaman kung posible pa ba itong mabawi sa kanyang amo.

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with