^

PSN Opinyon

Mga matututunan sa Colombia

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

KAGAGALING lang ni PNP Chief Gen. Ronald dela Rosa at iba pang police officials sa Colombia. Dumalo sila sa Counterterrorism and Counternarco­tics Exchange Conference na itinatag ng US State Department. Dumalo sila para madagdagan pa ang ka­alaman hinggil sa pagsugpo ng illegal drugs na tatlong dekada nang nilalabanan ng Colombia. Tat­lumpung taon nang inilunsad ng gobyerno ang kanilang digmaan kontra illegal drugs, ang Colombia pa rin ang numero uno sa mundo sa pagtanim ng coca leaves, sangkap sa paggawa ng cocaine.

Sa loob ng nasabing 30 taon, may mga tagumpay at pagkabigo ang gobyerno. Nabuwag nila ang mga malalaking drug cartel, tulad ng Medellin drug cartel na pinatakbo ni Pablo Escobar at iba pang mala­laking drug lord. Ang naging problema ay nabuwag nga ang malalaking grupo, nagsulputan naman ang maraming maliliit, at hindi napigilan ang patuloy na pagtanim ng coca leaves para gumawa ng cocaine. Si­guro puwede nating sabihin na mas madaling bumaril ng elepante, kaysa lamok. Ayon sa ulat ng UN Office of Drugs and Crime ngayong 2016, ang negosyo ng ille­gal drugs (cocaine) ay lumalakas sa Colombia.

Sa panayam kay Dela Rosa, may mga gusto siyang gayahin na paraan na ginamit sa Colombia para sugpuin ang illegal drugs. Isa na rito ay ang paglikha ng tinatawag na Search Bloc na binubuo ng pulis at sundalo, para labanan ang mga malalaking drug lord. Pero parang ganyan na nga ang nagaganap ngayon, hindi ba? Ilang malalaking drug lord umano ang napapatay ng mga pulis, vigilante o kung sino pa. Gusto ring baguhin ang Anti-Wiretapping Law. Sa ngayon kasi ay ilang kundisyon lang puwedeng mag-wiretap ang mga otoridad, at hindi saklaw ang illegal drugs. At gusto ring kunin ang mga pag-aari ng mga kilalang drug lord, para maging pabor sa gobyerno. Mga pag-aari na naging bunga umano ng illegal drugs.

Ayon naman kay Colombian President Juan Ma­nuel Santos, kailangan nang baguhin ang pananaw ng mundo sa laban nito sa illegal drugs. Ang karapatang pantao ang dapat maging sentro sa laban. Hindi raw dapat nagiging biktima ang mga biktima na ng illegal drugs. Kailangan may mas makataong solus­yon, tulad ng pagbigay ng maayos na hanapbuhay at maayos na kabuhayan, para hindi na masangkot sa droga. Ang kahirapan ang madalas na dahilan kung bakit nasasangkot sa droga ang marami. Edukasyon rin para hindi na subukan ng kabataan ang droga. Isama na rin diyan ang rehabilitasyon. Kapansin-pansin na sa conference sa Colombia, walang binanggit na epektibo ang pagpatay sa mga pusher, user o kung sino pang sangkot sa illegal drugs. Ginawa na iyan sa Colombia ng ilang dekada. Maaaring magtagumpay sandali, pero magbabago lang daw ang estilo para mapagpatuloy ang kanilang iligal na industriya. Ito na rin ang dahilan kung bakit hindi mawala-wala ang droga sa buong mundo, kahit ilang bansa na ang naglunsad ng kani-kanilang digmaan. Inaasahan na maraming natutunan sina Dela Rosa sa Colombia, na maaaring ipatupad sa kasalukuyang digmaan din natin. Makinig tayo sa mga beterano na sa digmaan.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with