^

PSN Opinyon

‘Scam fan’

CALVENTO FILES - Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Hotlines: 09198972854

Tel. Nos.: 7103618

NAKAUPO habang nagbibilang ng araw para kumita. Maliban sa pera may mga pangako pa silang produkto na iyong makukuha.

Ganito kung mang-engganyo ang mga baguhang kompanyang naghahanap ng mga investor, biglang nagsulputan at nagsidamihan.

Mayo taong kasalukuyan nang alukin si Lou Angeli Rufano na taga Palawan ng isang kakilala na mag-invest sa kompanyang 7-star General Merchandise.

“Dinala niya ako sa opisina nito sa Puerto Princesa. Si Minerva Presco ang speaker sa orientation nung dumating kami,” wika ni Lou.

Nitong Enero 17, 2016 lang nagsimula ang kompanya at ang may-ari/CEO ay isang nagngangalang Victorino Musico Jr.

Paliwanag sa kanila kapag nag-invest ka ng Php3,500 sa bawat account may kapalit itong sampung kilong bigas at sampung libong piso makalipas ang 45 araw.

“Ini-invest daw ito sa foreign exchange na pinapasok ng tao kaya lalaki ng ganun ang Php3,500 namin,” ayon kay Lou.

Sa ganda at bilis din naman ng kita sa pagpapaliwanag sa kanila naeengganyo si Lou na sumali dito. Nakatakda ang pay-out nila ng Hulyo 3, 8, 9, 10 at 11, 2016.

Maliban sa 7-star sumali rin sa Innov8 beauty and wellness si Lou. Sa kompanyang ito ang Php1,500 mo ay magiging tatlong libo sa loob ng 21 hanggang 27 araw. May kasama pa raw sabon at energy drink ito.

Taga Pampanga raw ang may-ari nito na si Philip Menesis Tabing. Nagkaroon din daw ng promo ang Innov8 na ang Php1,500 ay magiging Php2,200 sa loob lamang ng limang araw.

Sinalihan din ni Lou ang Abbrilliance na pagmamay-ari raw ng isang Roger Labadan at ng magkapatid na Nelson at Editha Infante.

Ang kalakaran dito sa loob ng 25 araw ang Php3,300 ay magiging sampung libong piso. Nangutang sa mga kakilala si Lou para makasali ulit dito. Halos Php150,000 ang puhunan niya rito.

“Nakatakdang mag pay-out ako ng Hulyo 11. Iniisip ko na baka makabayad na ako sa mga utang ko,” wika ni Lou.

Dalawang linggo makalipas niyang sumali sa 7-star sumali rin siya sa PAL-ECO na isang buwan pa lang nagbubukas. Ang may-ari raw nito ay si Alexis Valle. Forex at investments din daw kumikita ang kanilang kompanya.

“Ang Php3,500 magiging sampung libong piso makalipas ang 40 na araw at may kasama pang produkto. Hulyo 25, 27 at 29 ang nakatakda kong pay-out,” ayon kay Lou.

Nung Hulyo 2, 2016 sa unang pay-out pa lang dapat ng 7-star nabigo na ito. Ayon sa mga nagpapalakad nagkaroon lang daw ng problema nung araw na yun kaya’t bumalik na lang sila ng Lunes at paniguradong ayos na ang kanilang pera.

“Madaling araw pa lang ng Lunes nandun na kami. Tumagal kami dun ng maghapon pero wala man lang humarap sa ‘min,” salaysay ni Lou.

Maging sa Innov8 ay naghintay din siya ng pay-out ngunit wala namang nagpakita sa opisina nito.

Hulyo 11, 2016 wala rin siyang nakuhang pay-out sa Abbrilliance.

Hulyo 19, 2016 hindi na raw ito nakapagbigay ng pay-out ang Pa­­­le­co sa tulad ni Lou na investor. Kusa daw nagpunta si Valle sa istasyon ng radyo at dun niya dineklarang bankrupt na sila.

Sa boluntaryong pagsuko nito ni-raid ng mga pulis ang opisina nito at nakuha ang isang volt na puno ng pera. Lahat daw ng investment na ito ay may DTI permit at Mayor’s permit.

Nagpasya na silang magtungo sa istasyon ng radyo at TV para humingi ng tulong at ganun na rin sa National Bureau of Investigation (NBI).

“Malaking halaga ang na-invest ko sa kanila. Sa 7-star 1,400 accounts ang akin. Naengganyo lang ako dahil marami akong kaibigan na sumali dito,” pahayag ni Lou.

Hindi rin daw siya nagduda sa mga ito dahil may mga opisina ang mga ito at may cashier at releasing department pa na nakatoka sa mga tao.

Sa Abbrillance halos Php150,000 ang kanyang puhunan, Php240,000 naman sa Innov8 at Php500,000 sa Pal-eco.

Sa kabuuan halos Php1.5 milyong piso ang nainvest niya sa apat na sinalihang ito.

“Nagsanla ako ng mga ari-arian para lang makasali rito. Pati mga alahas ko naibenta ko na. Halos isumpa na ako ng pamilya ko sa ginawa ko,” ayon kay Lou.

Nagsampa raw sila ng kasong ‘Syndicated Estafa’ laban sa mga namumuno ng apat na kompanyang sinalihan ngunit nakalaya lang din matapos magpiyansa.

“Yung iba naman sinabi nilang wala raw nag-file ng kaso kaya pinalaya sila. Bakit mawawalan ng magsasampa ng kaso nandun na nga ang reklamo namin. Kinunan na rin kami ng salaysay,” pahayag ni Lou.

Nakarating na rin sa sila sa main office ng NBI sa Manila ngunit sinabihan silang alamin munang mabuti kung walang nakasampang kaso doon sa Palawan dahil makakasuhan sila sa pagsasampa ng dalawang kaso.

“Kung saan-saan kami nakakarating pero parang wala namang aksyon sa reklamo namin. May mga miyembro rin kasi ng pulis dun na nakisali at nagpay-out ng mas maaga. Buong Palawan naloko nila,” salaysay ni Lou.

Marami raw silang nabiktima nito at hiling nila matuldukan man lang ang ganitong uri ng modus at panloloko sa lugar.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang kulang dito ay walang ‘warrant of arrest’ laban sa mga namumuno ng mga kompanya dahil ang kaso ay hindi naman isinampa ng NBI matapos ang imbestigasyon sa korte kaya’t matutulog ito at malalagyan ng sapot ng gagamba hanggang sa mapulbos ang papel nito.

Pwede nilang hilingin iforward ang record sa NBI Manila. Kung walang nangyayari sa NBI Palawan baka ang NBI Manila ay kumilos.

Ang Anti-Fraud Division ng NBI ang dapat nilang puntahan para tingnan kung ano pa ang kulang para magtuluy-tuloy ang kasong isinampa nina Lou.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with