^

PSN Opinyon

Malaman lang ang katotohanan

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

MABILIS ang naging reaksyon at opinyon nang ma­rami sa banta ni Pres. Rodrigo Duterte na kakalas na mula sa United Nations, dahil sa kanilang pagpuna at pagbatikos sa kasalukuyang operasyon ng PNP laban sa iligal na droga, partikular ang tumataas na bilang ng extrajudicial killings (EJK). Halos lahat ay sinasabi na mas makasasama sa bansa kung kakalas sa UN, kung saan founding member ang Pilipinas. Si DFA Sec. Perfecto Yasay mismo ang nagsabi na hindi kakalas ang Pilipinas sa UN. Sana nga ay opisyal na katayuan na iyan, at baka may magsabi na naman ng iba. “Global isolation” naman ang babala ng dating ambassador sa UN na si Lauro Baja Jr. Sa madaling salita, walang magandang hahantungan ang pagkalas sa UN. 

May mga nagsabi naman na hindi dapat sineser­yoso ang pahayag ni Duterte, dahil ganun lang daw talaga magsalita at nadismaya lang sa UN. Pero kung ikaw ang pinakamataas na opisyal ng bansa, lahat nang sasabihin mo ay pakikinggan. Ika nga, siya ang Presidente. Hindi ko alam kung inimbitahan pa ni Duterte ang opisyal ng UN, sa kabila ng mga maanghang na salita at batikos sa organi­sasyon.

Nagsimula na nga ang imbestigasyon sa Senado sa EJK, ang mainit na isyu ngayon. May dalawang nagsalita, mga kamag-anak ng mga napatay ng pulis sa umano’y lehitimong operasyon. Pero sa kaso ng mag-ama na binaril habang nasa loob na ng police station, lumabas sa pagsusuri ng CHR na sila ay binugbog nang husto, bago binaril. Hindi rin daw kapani-paniwala na mang-aagaw sila ng baril, dahil sa bugbog na bugbog na nga sila, may mga baling buto pa. Kinasuhan na ang dalawang pulis kaugnay sa insidenteng ito.

Nagsalita rin ang anak ng mag-asawang pinatay. Ayon sa anak, ginagamit daw ang kanyang magulang ng mga pulis Antipolo bilang “asset”, na mag-repack ng mga droga na nakukuha nila sa mga raid. May “pot session” pa raw ang mga pulis sa bahay nila habang hinihintay ang mga ilegal na droga. Natagpuang patay sa hiwalay na lokasyon ang mag-asawa matapos tawagan ng isa sa mga pulis. Sinibak na ni PNP chief Ronald dela Rosa ang ilang pulis-Antipolo na isinangkot ng testigo.

Masasabi naman natin na may magandang naganap sa unang pagdinig sa EJK. Ang nais lang naman ay malaman ang katotohanan sa likod ng mga patayang ito, at hindi maging hadlang sa kasalukuyang laban ng PNP sa ilegal na droga. Katulad niyan, nasiwalat ang mga maruruming pulis sa Anti­polo at Pasay, na inaksyunan naman kaagad ng PNP chief. Aabangan pa natin ang mga susunod na pagdinig.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with