^

PSN Opinyon

‘Mga nabihag na bulaklak’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Hotlines: 09198972854

Tel. Nos.: 7103618

ANG PAGHAHANAP ng iyong mahal na nawawala sa ibang bansa ay parang sumusuyod ka ng dayami sa isang sabsaban.

“Gusto niya kumita ng pera pero pagdating niya dun saka naman may masamang nangyari sa asawa niya,” ayon kay Joana.

Nag-aalala si Joana Rose Valencia sa kanyang hipag na si Rosalinda Salvador dahil hindi nila alam kung paano ito makakabalik ng bansa.

Umalis daw si Rosalinda ng bansa gamit ang ‘tourist visa’ nung nagpunta ng Dubai. Pagdating dun namasukan siya sa isang agency bilang Household Service Worker (HSW).

“Nagtatrabaho na sana siya dun kaso ang problema namatay ang asawa niya rito sa Pilipinas. Naiwan ang lima nilang anak na puro menor de edad,” pahayag ni Joana.

Para makasama sa huling pagkakataon ang mister nagpaalam si Rosalinda sa kanyang amo ng maayos. Ibinalik naman siya sa ahensyang kanyang pinasukan.

Tinanong siya ng ahensya bakit napagpasyahan niyang umuwi. Isinalaysay naman ni Rosalinda ang lahat sa ahensya. Sa halip na intindihin sa pinagdadaanan ay sinampal pa umano siya ng staff ng ahensya.

“Sapilitan siyang pinagawa ng kasunduan na hindi siya uuwi ng Pilipinas. Wala kaming gaanong impormasyon tungkol sa pag-alis niya dahil kapatid ng asawa niya ang nag-asikaso,” kwento ni Joana.

Bihira lang din daw kung tumawag si Rosalinda sa kanila at iyak lang ito ng iyak. Ayaw naman daw sabihin sa kanila ng kapatid ng asawa ni Rosalinda ang ilang detalye tulad ng pangalan ng ahensya at buong address ng kinaroroonan nito dahil pinipigilan daw na umuwi ito ng bansa.

“Nag-aalala na kami sa kanya. Kapatid niya ang asawa ko at hindi namin alam kung saan kami lalapit. Gusto na niyang makauwi ng bansa dahil wala ng mag-aasikaso sa mga anak nila,” salaysay ni Joana.

Tanging numero lang ni Rosalinda na ginagamit pantawag sa kanila ang alam nila. Humihingi ng tulong sina Joana na makauwi na lang ng bansa si Rosalinda dahil hindi rin sila nakakasiguro sa kaligtasan nito.

“Sana po matulungan niyo kami. Wala na talaga kaming ibang malalapitan. Kawawa naman ang mga pamangkin ko. Nawalan na sila ng ama hindi pa nila makakasama ang kanilang ina,” wika ni Joana.

***PARA SA IBANG KWENTO, lumapit sa amin si Rowel Samurano upang ihingi ng tulong ang kanyang misis na si Mary Ann Abes.

Ika-26 ng Disyembre 2015 nang umalis si Mary Ann papuntang Kuwait para magtrabaho. Ang ahensyang Gatchalian Agency  ang nagpaalis ng bansa sa kanya.

“Nakakausap pa namin siya nung nasa Kuwait siya. Pagdating ng Enero 17, 2016 dinala siya ng amo niya sa Italy,” pahayag ni Rowel.

Hindi raw matiis ng misis ang halos araw-araw na buhay sa amo. Palagi raw itong pinapagalitan ng kanyang amo.

Napagpasyahan ni Mary Ann na maglayas. Wala raw itong kakilala doon at hindi nila alam kung may sapat ba itong pera para makapunta sa Philippine Embassy.

“Nawalan na kami ng komunikasyon sa kanya. Ang huli naming balita nasa Albania siya. Sinubukan naming paloadan ang numero niya para kahit papaano makasagot man lang sana sa ‘min pero wala talaga,” pahayag ni Rowel.

Inaabangan din daw nilang mag-online ito sa Facebook para makapagtanong ng nangyari sa kanya ngunit hindi na ito nakakapagbukas ng Facebook.

“Hindi namin alam kung ano na nangyari sa kanya. Kung nakakakain pa ba siya o may natutulugan ba siyang maayos dun,” salaysay ni Rowel.

Araw-araw silang naghihintay ng balita at tawag ni Mary Ann pero araw-araw lang din silang bigo. Halos isang linggo na ang nakakalipas mula nang lumayas ito.

Sa isang araw lang na wala silang balita ay di na sila mapakali lalo pa ngayong isang linggo na ang nakakaraan.

Lumapit na sila sa ahensya ngunit hanggang ngayon ang tanging sagot lang sa kanila ay maghihintay lang daw ang ahensya rito sa Pilipinas ng balita ng ahensya sa Kuwait tungkol sa kanyang asawa.

Ang iniisip nina Rowel kung inilipat na ng lugar ang kanyang misis paano pa ito maaasikaso ng ahensya sa Kuwait? Pupuntahan ba nila ito doon para lang mahanap?

Hindi naman daw nila alam ang pangalan ng ahensya ng misis sa Kuwait at ang inaasahan lang nila ay ang magiging balita sa kanila ng Gatchalian Agency.

“Sana sa pamamagitan ninyo makahanap po kami ng solusyon sa problema namin. Sana mahanap ang misis ko. Alalang-alala na talaga kami sa kanya,” pahayag ni Rowel.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sa unang kwento na aming naitampok tungkol sa hindi pagkakauwi ni Rosalinda, maaa­ring pinigil siya ng ahensyang umuwi dahil sa pinirmahan niyang kontrata sa kanila.

Hindi rin naman malinaw sa ikinwento sa amin ni Joana kung naayos na ba ng ahensya ang mga dokumento ni Rosalinda tulad ng ‘working visa’.

Kung totoong sinampal ka demanda mo ireklamo mo. Wala silang karapatang gawin yan sa ‘yo dahil  kumikita sila sa bawat taong kanilang naipapasok ng trabaho.

Tungkol naman sa problema ni Rowel, ang dapat dikdikin para mahanap ang misis mo ay yung agency sa Kuwait. Andito ka andun siya, ano yan ‘long distance search’?

Yung amo ni Mary Ann ang inyong pilipitin para ilutang nila itong iyong kamag-anak.

Para matulungan ang mga pamilyang lumapit sa amin at upang malaman kung anong hakbang ang maaaring gawin, nakipag-ugnayan kami kay Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA) upang maiparating sa ating embahada sa dalawang bansa ang problema ng ating mga kababayan.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari rin po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

 

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with