^

PSN Opinyon

Huling SONA

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

TAPOS na ang huling SONA ni President Aquino. Parang kailan lang. Limang taon na pala ang lumipas. Hindi ko na masyadong hihimayin ang kanyang talumpati dahil mababasa naman sa internet. May mga napansin lang ako na nais kong ibahagi.

Sa kanyang unang SONA, isiniwalat niya ang mga nadiskubreng katiwalian sa Arroyo administration, pati ang “utak wangwang” ng mga nasa gobyerno. At totoo nga na sa lahat ng kanyang SONA ay hindi nawawala ang pagbatikos sa dating presidente dahil halos hindi matapus-tapos ang pagsiwalat ng mga anomalya at katiwaliang naganap sa nakaraang siyam na taon. Tandaan, siyam na taong nakaupo si Arroyo. Dahil ito na ang kanyang huling SONA, hindi nakapagtataka na ipakita niya sa kanyang mga “boss” ang kanyang mga nagawa bilang Presidente.

May mga proyekto siyang ipinakita na inumpisahan o pinlano pa ng mga nakaraang administrasyon, pero walang progreso o walang pag-usad sa mga ito. Hindi niya inangkin ang mga proyekto. Sa kanyang mga ipinakita, may mga proyekto na tapos na. Ipinakita niya na kayang matapos ang mga proyektong iyan kapag malinis at maganda ang intensyon ng gobyerno na patuparin ito. Mga bagay na wala sa nakaraang administrasyon. Iniisa-isa niya ang bawat sektor ng lipunan, at ang nagawa na ng kanyang administrasyon. At marami na nga. Hindi naman nagsisinungaling ang mga numero. Kung magpapaalam ka na nga ay dapat lang na ipakita kung ano ang nagawa mo sa anim na taon.

Hindi naman mawawala ang mga pintas sa kanyang SONA, pati na rin sa kanyang administrasyon. Pero wala sa lugar ang mga nambastos sa katapusan ng kanyang talumpati. Mga kilalang kritiko ng Presidente. May lugar para sa kanilang mga batikos. Para sa akin dapat nasa labas din sila ng Batasan kasama ang karaniwang mga grupo na may kilos-protesta kahit sino pa ang nakaupong presidente.

Iginiit niya na ang lahat nang nagawang mabuti sa anim na taon ay maaaring mawala sa isang eleksyon lang. Alam ko ang kanyang ipinahihiwatig. Kailangan ang kanyang kapalit ay magtutuloy ng mga mabuting nagawa niya. Dahil anim na taon na lang siya, at wala siyang planong manatili “one-to-sawa” na pinapanaginipan ng ilang pulitiko diyan. Nais nga niyang mapasa na ang Anti-Dynasty Law na hinaharang ng mga kilalang ayaw mawala sa kapangyarihan.

Hindi rin naman siya perpektong presidente. Ayon nga sa kanya, wala namang milagrong gamot na isang inom lang ay tapos na ang problema. Ganito kasi ang dine-demand ng iba. Mga mabilisang sagot. Tulad ng nabanggit ko, siyam na taon si Arroyo kumpara sa kanyang anim. Kaya hindi niya nalinis lahat sa oras na ibinigay sa kanya ng batas. Kailangang ituloy iyan ng kanyang kapalit.

Minabuti niyang magpasalamat sa lahat ng tunay na tumulong sa kanya. Mga miyembro ng kanyang Gabinete na kaakibat sa “daang matuwid”. Pinasalamatan din niya ang mga personal na kasama niya sa buhay, kahit gaano kasimple ang trabahong ginagawa para sa kanya. Wala namang masama roon. Sa kabuuan, natuwa ako sa kanyang huling SONA. Sana nga lang ay matuwa rin tayo sa susunod. Nasa kamay na natin iyan.

vuukle comment

ACIRC

ALAM

ANG

ANTI-DYNASTY LAW

DAHIL

HINDI

KANYANG

LANG

MGA

NIYA

PRESIDENT AQUINO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with