^

PSN Opinyon

‘Bata-bata, ano ba ang tama?’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

KADALASAN ang mga bata na nasa murang edad kapag ginagawa ng matanda ay inaakalang parating tama.

“Nagyakapan pa kami sa opisina ni Vice Mayor. Pag-uwi na­ming ipinagluto ko siya ng paborito niyang pagkain hindi ko akalain tutuluyan niya pala ako,” ayon kay Joie.

Dati nang nagkaroon ng alitan ang magkapatid na sina Catherine Joie Vitug, 46 taong gulang taga Pampanga at ang kapatid na pulis na si  Nelson Vitug tungkol sa hatian ng lupa’t bahay.

Ang bahay kung saan nakatira si Joie na pag-aari pa ng kanilang ninuno ay inaangkin ni Nelson na naibenta na raw ito ng kanyang tiyahin sa kanya.

Nung minsan ay nakapagsumbong pa sa barangay si Joie dahil pinagiba umano ni Nelson ang bodega nang hindi niya alam. Pinayuhan sila na ayusin ang tungkol sa bentahan ng lupa. Pinag-ayos sila dun ngunit hindi ito natupad.

Nanghihingi si Joie ng Certificate to File Action (CFA) ngunit ayaw siyang bigyan dahil hindi sila dumaan sa Lupon. Lagi umano siyang nagtatanong sa barangay ngunit mukhang natabunan na ang reklamo.

“Bilang animal rights advocate hindi namin gustong makipag-away. Kung yun ngang mga hayop binibigyan namin ng tahanan at inaalagaan namin yun pa bang mga kamag-anak?” wika ni Joie.

Nobyembre 27, 2014 nang may matanggap na ‘Summon’ si Joie na pinapaalis na sila sa bahay. Lumapit siya sa isang kakilalang abogado para humingi ng payo at sinulatan nito ang Kapitan upang magkaroon ng ‘peaceful mediation’.

“Bakit daw kakasuhan ko ang kapatid ko. Magkaayos na lang daw. Sinunod ko si Atty.,” sabi ni Joie.

Isang araw narinig na lamang ni Joie na nagkakasigawan ang siyam na taong gulang na anak ni Nelson na si “Nico” (di tunay na pangalan) at anak niyang si Alexandra. Lumapit siya sa dalawa at sinabihan niyang Ate niya si Alexandra at hindi niya dapat sinisigawan. Nalaman niyang hinatak ni Nico ang tarpaulin ng loading station sa kanilang gate.

“Nagtanong lang naman ako kung bakit niya hinila yung tarpaulin kung anu-ano na ang sinasabi niya,” kwento ni Alexandra.

Sa halip na tumahimik si Nico sa paninita ni Joie ay pinagmumura pa umano siya nito. Siya na lamang ang umalis dahil hindi niya matagalan ang sinasabi ng bata. Napag-alaman niya rin sa eskwelahan nito na may problema ito sa pag-uugali.

Nakikita raw nila ang pagmamalupit ng bagong asawa ni Nelson dito. Pinapalo umano ito. Sinubukang kausapin ni Joie ng adviser ni Nico para malaman kung ano ang maaari niyang maitulong sa pamangkin.

Disyembre 2, 2014 may narinig si Joie na inireklamo siya ni Nelson ng RA 7610. Napagpasyahan na niyang ituloy ang kaso laban sa kapatid.

“Nagpunta din ako kay Vice Mayor Tito Diaz at ipinatawag doon si Nelson. Pinagsabihan siya at nagkaayos kami. Niyakap ko pa siya. Tuwang-tuwa kami ng anak ko dahil araw-araw kaming nagdadasal na magkaayos kaming magkapatid,” salaysay ni Joie.

Nangako pa raw si Nelson na tutulungan siyang ipaayos ang bahay. Nagulat na lamang si Joie nang may matanggap siyang patawag noong ika-23 ng Disyembre 2014.

Ang reklamong kanyang kinakaharap ay ang Violation of RA 7610 o Child Abuse. Sa salaysay ni Nico. Pinagmumura raw siya ni Joie at sinabihan ng kutong lupa. Nangyari raw ito noong ika-29 ng Nobyembre 2014.

“Madalas niya po akong tawaging kutong lupa lalo na kapag nakakasalubong niya ako,” ayon sa salaysay.

Kumuha lamang daw siya ng sabon sa tindahan nila at pag-uwi niya nakasalubong niya itong si Joie at sinabihan siyang kutong lupa. Pinagmumura umano siya nito at nang patakbo na siya sa kanilang bahay ay bigla raw siyang hinila. Sinabihan siya ng bakla at kutong lupa.

“Sumigaw ako at dumating na ang aking step sister at iniuwi na ako pero sumunod pa siya. Doon ay pinagmumura niya ako at sinabihan pa akong bakla, kutong lupa at walang respeto,” pahayag ni Nico.

Sa pangyayaring ito nagsumbong si Nico sa kanyang ama. Dagdag pa niya noong 2013 habang naglalaro siya kasama ang pinsan sa harap ng bahay ng matanda ay dumating itong si Joie. Galit na galit umano ito sa kanila at sinabihan silang bakit maingay. Sumagot umano siya na hindi sila maingay at bigla na lamang daw nagalit si Joie at binato siya ng kutsilyo pero hindi siya natamaan dahil agad siyang yumuko.

Hindi raw siya nakapagsumbong noon dahil natatakot siya.

Mariing itinanggi ni Joie ang naging paratang sa kanya. May mga testigo raw siya na magpapatunay na ang bata pa ang nagmura sa kanya. Nangangamba rin si Joie na baka ginagamit lamang ng kanyang kapatid ang anak para mapaalis sila sa nasabing bahay.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Joie.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sa kasong RA 7610 kailangan patunayan ng nagrereklamo dahil sa pangyayari dala niya ang trauma at makakaapekto sa kanyang paglaki.

Kalimitan sa pagitan ng testimonya mo at ng batang siyam na taong gulang ay ang bata ang pinapanigan ng tagausig.

Kailangan mong patunayan na matapos ang nasabing insidente na umano’y pinagmumura ka ng bata ay maayos pa rin ang inyong relasyon. Ang mga litrato ninyong magkasama ay pwede mong maging ebidensiya. Kailangan sagutin mo kung ano ang mga ibinibintang nila sa iyo. Titimbangin yan ng tagausig kung talaga ngang dapat kang masampahan ng nasabing kaso.

Kung sakaling totoo naman ang sinasabi mong ginagamit lamang ng kanyang ama ang bata para kayo’y mapaalis o sa kung ano pa mang bagay maaari rin siyang kasuhan ng RA 7610. Ito ay sa kadahilanang gumagawa ka ng istorya at gamit mo ang bata dito.

Inirefer namin si Joie sa Public Attorney’s Office (PAO) upang matulungan siya sa paggawa ng kanyang kontra-salaysay. Sa ngayon ‘submitted for resolution’ na ang kasong ito.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

vuukle comment

JOIE

LEFT

NICO

NIYA

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with