^

PSN Opinyon

Kapakanan ng mamamayan

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

ILANG araw nang laman ng balita ang mga taxi drayber na nangholdap ng kanilang pasahero. May isang insidente na binaril pa nga ang sakay na pasaherong babae  dahil lumaban. Mabuti na lang at sa braso lang tinamaan ang biktima. Sa isang insidente naman, bukod sa pasahero ay pati MMDA traffic enforcer ay hinoldap din ng drayber ng taxi. Nahuli ito at nahaharap na sa kaso. Tuloy, marami na ang nangangamba sa pagsakay ng taxi, lalo na’t kapaskuhan na. Ang tingin nga ng mga otoridad ay kaya dumadami ang panghoholdap ay dahil na rin sa panahon. Pero ano ang maaaring solusyon dito? 

May panukala ang LTFRB na maglabas ng bagong ID para sa mga taxi drayber, at baguhin na rin ang database o listahan ng lahat ng taxi drayber sa lungsod. Kapag may krimeng magaganap, malalaman kaagad kung sino ang drayber ng nasabing taxi base sa database at ID. Ang problema ay magiging epektibo lang ito kung susunod ang mga kumpan­ya ng taxi. Maayos ba ang kanilang dispatcher, logbook at iba pa? Problema naman ito para sa mga maliliit na kumpanya, o mga taxi na isa o dalawa lamang ang kanilang bumabaybay na sasakyan. Nandyan na rin ang problema ng mga umeekstra o pansamantalang drayber lamang. Kaya dapat pag-aralan ng LTFRB kung paano mailalagay ang lahat sa kanilang listahan.

Hindi ko nga alam kung bakit ngayon na lang naisip ng LTFRB ito. Sa ibang bansa, naka-display nang maayos ang ID ng drayber kung saan may larawan, pangalan at iba pang impormasyon tulad ng plaka ng taxi at address. Iba, may mga CCTV kamera rin sa loob, para proteksyion na rin nila kung sakaling sila ang maging biktima ng krimen. Dito sa atin ay tila hindi mahigpit ang pagsunod diyan, kaya ang natatandaan na lang ng mga pasahero ay ang pangalan ng taxi, at minsan ang plaka. Kumpanya ng taxi ang mananagot, kaya hindi ba dapat sila ang unang nag-iingat sa pagkuha ng mga drayber?

Kaya kailangan nang mag-ingat kapag sumasakay ng taxi. May mga pwedeng gawin para magsilbing balakid sa krimen. Marami naman ngayon ay may kamera ang cell phone, kaya puwedeng kunan ng litrato ang drayber bago sumakay. Kung ayaw pumayag, huwag nang sakyan pero kunan pa rin ang drayber at taxi at ipaalam sa otoridad. Alam ko may mga logbook ang mga mall na may mga taxi stand, kung saan inililista ang mga taxi at sakay na pasahero, pati na rin destinasyon. Sana ipinatutupad pa rin ito nang masinsinan. Kailangan na talagang maging maingat at mapagbantay. Ang kriminal ay hahanap ng biktima na alam niyang madali niyang mananakawan, kaya huwag din gawing madali para sa mga kawatan. Kailangan nang maghigpit sa lahat, kahit mahirap. Kapakanan ng mga inosenteng mamamayan ang pinag-uusapan, at hindi ang epekto sa negosyo.

vuukle comment

ALAM

DITO

DRAYBER

KAILANGAN

KAYA

KUNG

RIN

TAXI

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with