^

PSN Opinyon

‘My lady driver’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

MAY mga salita sa kontrata na malinaw man nakasulat ay hindi pa rin  nasusunod. Berbal na kasunduan pa kayang sa laway lang pinagtibay…umihip lang ang hangin matutuyo at panis agad.

“Ang usapan lady driver ang magiging trabaho ng asawa ko kahit Domestic Helper (DH) ang nakalagay sa job order niya,” ayon kay ‘Jevin’.

Nagsadya sa aming tanggapan si Gaudencio Basal o “Jevin”, 41 anyos ng Parañaque City.

Biyudo si Jevin sa asawang si Delma Borac, namatay sa kanser sa obaryo (ovarian cancer) sa edad na 52 anyos nung ika-9 ng Setyembre 2012.

“Meron kaming isang anak. Sa Surigao Del Norte namalagi ang mag-iina ko. Sa Maynila naman ako nagtatrabaho sa loob ng 14 na taon,” ani Jevin.

Pintor ng mga gusali si Jevin sa Maynila. Hunyo 2013, ipinakilala sa kanya ng kaibigan ni Delma si Sarah Codera, 47 taong gulang.

“Naging mag-textmate kami ni Sarah. Nalaman kong biyuda rin siya,” sabi ni Jevin.

Si Sarah ay tubong Davao del Sur. Dating trak drayber ang kanyang asawa na pumanaw dahil sa kumplikasyon sa sakit na ‘diabetes’. Nagkaroon sila ng apat na anak na naiwan sa Davao.

Kasalukuyang nag-aayos ng mga dokumento papunta sa bansang Dubai si Sarah ng magkakilala sila ni Jevin. Pangalawang beses na raw niyang lalabas ng bansa bilang ‘lady driver’.

Dalawang buwan silang ‘text mates’ bago sila magkita (eyeball) sa Baclaran Church. Naging sila agad sa una nilang pagtatagpo.

Setyembre parehong taon, nagdesisyon silang magsama ni Sarah. Tumira sila sa inuupahang kwarto ni Jevin sa Parañaque.

Ika-23 ng Pebrero 2014, umalis na agad ng bansa itong si Sarah sa tulong ng ahensyang Crystal Falah-Ville International Manpower Services, Inc.

Drayber ang naging trabaho ni Sarah pagdating sa Dubai. Tatlong buwan namang maayos ang kayang trabaho subalit matapos nito, hindi na ni-renew ang working permit (iqama) niya.

Mula sa pagiging lady driver naging DH si Sarah sa kaibigan ng kanyang dating amo.

“Taga linis ng bahay at plantsadora ang trabaho niya dun,” ayon kay Jevin.

Walong araw lang ang tinagal dito ni Sarah dahil nakaranas umano siya ng pananakit sa amo… sinasaktan daw siya. Inilipat naman siya sa nanay nito. 

Kwento sa amin ni Jevin, hindi rin maganda ang pakikutungo ng bagong amo sa kanya.

“Dumating sa puntong kinukulong na siya sa bahay at hindi na pinapakain…” wika ni Jevin.

Lahat ng sumbong na ito nakakarating kay Jevin sa pamamagitan ng mga ‘text messages’ na pinapadala ni Sarah. Hulyo 9, 2014, nagreklamo na si Jevin sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA). Tinawagan ng POEA ang ahensya ni Sarah.

Pinangako naman raw ng Crystal Falah-Ville International Manpower Services, Inc. na tutulungan si Sarah at makikipag-ugnayan sa ahensya nito sa Dubai. Ang Express Labour Supply sa United Arab Emirates (UAE).

Ilang buwang naghintay si Jevin na makauwi si Sarah subalit wala pa rin umanong nagiging aksyon ang ahensya.

Ika-22 ng Setyembre 2014, tumawag si Sarah kay Jevin. Sinabi nitong nasa Philippine Consulate na siya.

“Hindi na daw niya matiis kaya tumakas na siya sa amo niya,” ani Jevin.

Dahil sa ginawa nitong si Sarah kinasuhan siya ng Runaway ng dating employer. Inipit din daw nito ang kanyang pasaporte.

“Ang alam ko kasi hinihingian ang ahensya ng misis ko ng halagang 400Dirham (P4,884) Hindi naman ata sila nakapagpadala,” sabi ni Jevin.

Patuloy na nakipag-ugnayan si Jevin sa Crystal Falah-Ville International Manpower Services, Inc.

Nakakausap niya raw dito so “Tony” sa information at nangangako naman ito na sasagutin daw ang pagpapauwi sa Pinay.

Nung huling tumawag si Jevin sa Crystal Falah-Ville at nakausap niya raw muli si Tony. Nangako raw ito na kukuhanan na ng plane ticket si Sarah at ibu-‘book’ na siya sa ika-8 ng Oktubre 2014.

Dumating na ang takdang araw. Hindi pa rin alam ni Jevin ang istado ng kaso ni Sarah dahilan para magpunta na siya sa aming tanggapan.

“Naibalik na po ang passport ni Sarah… plane ticket na lang ang alam kong problema niya,” ani Jevin.

Itinampok namin si Jevin sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ. (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12NN).

Kinapanayam namin sa radyo si Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA), tinanong namin kay Usec. kung posible bang sagutin ng ating embahada ang pagpapauwi rito kay Sarah?

Nilinaw ni Usec. Seguis na dahil nasa Deportation na ito at ang susunod na hakbang ay ang ‘request for repatriation’ (pagbabalik sa bansa). Ang problema ngayon ni Sarah ay ang ticket niya. Sinabi ni Usec. na maaring sagutin ng embahada ang pagbalik niya sa Pinas kung ang dahilan ng kanyang pag-alis ay physical abuse at iba pang uri ng pang-aabuso sa kanyang trabaho.            

Kapag pagkalungkot lang ang dahilan ng isang OFW, hindi nila ito sinasagot at ang ahensya nito ang madalas nagbabayad ng kanyang plane ticket. Ito’y inaabonohan ng ahensya na siyang ibabalik din ng OFW pagdating sa Pinas.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sa pagitan ng isang matibay na kontrata sa papel at isang berbal na usapan, mas binibigyang timbang ang una.

Hindi lang si Sarah ang Overseas Filipino Worker (OFW) sa ating bansa na papangakuan ng langit sa ibang bansa subalit pagdating dun impyerno naman ang dadatnan. Ang masakit dito siya’y lumabas na pinabalik sa Pilipinas na parang dineport mula sa bansang Dubai, ang kanyang pangalan ay mailalagay sa listahan ng mga ‘blacklisted’.  Ang mga bansa sa UAE ay may mga ugnayan sa isa’t-isa kung sino ang ‘di kanais-nais (undesirable) na mga trabahodor na kanilang na-recruit. Malamang mahihirapan o hindi na siya makakabalik sa anumang bansa sa UAE. Dagdag pa sa lahat ng ito naghihinatay pa sila kung paano makakalikom ng pera para siya’y makabalik dito.

Nangako naman ang DFA na tutulungan itong si Sarah na makauwi para makapiling na ang kanyang pamilya.

 (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  Landline 6387285 / 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento

 

www.facebook.com/tonycalvento

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

 

vuukle comment

CRYSTAL FALAH-VILLE INTERNATIONAL MANPOWER SERVICES

DUBAI

JEVIN

NIYA

SARAH

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with