^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Illegal pero walang nagawang kasalanan

Pilipino Star Ngayon

SABI ng Supreme Court noong nakaraang ling-go, illegal ang Disbursement Acceleration Program (DAP). Ang DAP ay “brain child” ni Budget Sec. Florencio Abad. Nilikha niya ito noong 2011 para raw mapabilis ang pagtulong sa mga kapuspalad at mapalakas ang ekonomiya ng bansa na sinang-ayunan naman ni President Noynoy Aquino. May mga inilipat na savings o pondo mula sa isang tang­gapan patungo sa iba pang tanggapan. Kahit hindi pa tapos ang taon, nilipat na ang savings ng mga tanggapan. Sabi ng Malacanang, gumastos ang pamahalaan ng P142.23 billion at ito raw ay “in good faith”. Wala raw nasayang sa pondo.

Pero kahit na ano pa ang sabihin ng Malacañang, marami pa rin ang nagdududa sa DAP na nilikha ni Abad. Gusto ng mamamayan ay makuha ang panig ni Abad sapagkat siya naman ang “arkitekto” nito. Pero mula nang sumambulat ang desisyon ng Kataasang-taasang Hukuman na illegal ang DAP, hindi na napagkikita si Abad. Sabi ng Malacañang, abala raw si Abad sa inihahandang 2015 national budget.

Kaya ang sumasalag ng mga batikos kay Abad ay si Presidential Spokesman Edwin Lacierda. “Winaldas ba ni Sec. Butch Abad ang pera? Hindi. Ninakaw ba ang pera? Hindi.” Sabi ni Lacierda noong Miyerkules sa harap ng reporters. Wala raw ginawang masama si Abad. Wala siyang ginawang mali. Hindi siya nakinabang sa DAP. Ang ginawa ni Abad ay para raw makatulong sa pagpapalakas ng ekonomiya.

Marami pang pagtatanggol na ginawa kay Abad at nililinis ang kanyang pangalan. Malaki pa rin daw ang tiwala ni P-Noy sa Budget secretary. Pero sa kabila ng mga pagtatanggol, marami ang humihingi sa pagbibitiw ni Abad. Sinampahan din siya ng kasong plunder ng Kabataan party-list sa Ombudsman. Sabi ng mga nagsampa ng kaso, imposibleng hindi alam ni Abad na labag sa batas ang DAP sapagkat isa siyang abogado.

Tigilan na muna ng Malacañang ang pagdepensa kay Abad at hayaang ito ang magpaliwanag kaugnay sa kontrobersiya. Kung sasalagin nang sasalagin ng Malacanang ang mga batikos, lalo lamang magdududa ang marami at hindi na sila paniniwalaan. Maraming maggugulumihanan sa “tuwid na daan”.

 

vuukle comment

ABAD

BUDGET SEC

BUTCH ABAD

DISBURSEMENT ACCELERATION PROGRAM

MALACA

PERO

SABI

WALA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with