PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Editoryal - Ibawal din ang alak

HINDI lamang baril ang dapat ipagbawal sa election time kundi pati na rin ang alak. Kung gaano kahaba ang gun ban ganundin kahaba ang ipairal sa pagbabawal sa alak. Ito ay para matiyak na magiging mapayapa ang pagdaraos ng May 13, 2013 elections. Kapag ang alak ay hindi nailagay nang maayos sa tiyan, gulo ang idinudulot. Marami nang katibayan na ang alak ay nagiging ugat ng karahasan. At kung ang alak ay isisilbi sa panahong may election, maaaring maging ugat ng mga kaguluhan.

Ang mahabang pagbabawal sa pagbebenta ng alak ay sinasang-ayunan naman ni Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Francis Tolentino. Ayon kay Tolentino, ang pagbabawal sa pagbebenta ng alak ay dapat tumagal ng 45-araw. Sa ganito kahabang araw na liquor ban tiyak na hindi maaapektuhan ang mga saloobin at opinion ng mga botante na may kinalaman sa paghahalal ng kandidato. Ang liquor ban ay tumatagal lamang ng dalawang araw at nagsisimula ito sa bisperas ng election. Ayon kay Tolentino, napakaikli ng liquor ban kaya hinihiling niya sa Comelec na habaan ito.

Pero mayroon na agad “bumabaril” sa ideya ni Tolentino. Dalawang Comelec commissioner ang nagsabi na hindi maganda ang ideya sapagkat mahaharap sila sa legal problems. Tiyak daw na uulanin sila ng reklamo mula sa mga malalaking kompanya ng alak. Hindi anila katanggap-tanggap ang ideyang pahabain ang liquor ban.

Bakit hindi subukan ang ideyang ito? Kung ang Comelec ay nangangarap na maging mapa-yapa ang 2013 elections, bakit hindi ipagbawal ang alak sa loob ng 45 araw. Bakit naman agad nilang naiisip na uulanin sila ng batikos sa hakbang na ito ni Tolentino? Mas babatikusin sila kung magkakaroon ng karahasan sa election na ang pinagmulan ay ang kalasingan sa alak.

Magkaroon ng pagsangguni sa iba pang Come­lec commissioner kung dapat na pagbigyan ang petisyon ni Tolentino ukol sa liquor ban. Hindi sapat na may dalawang tutol sa petisyon ay “babarilin” na agad ito. Anong malay nila baka makatulong ito nang malaki sa inaasam na mapayapang eleksiyon.

 

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: