^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Maging halimbawa sana ang mga pulis

Pilipino Star Ngayon

ISANG araw bago ang pagsapit ng Bagong Taon, nagsagawa ng pagsira sa mga malalakas na paputok na kanilang nakumpiska ang Philippine National Police (PNP). Pero nakakadismaya ang nangyari sapagkat mayroon pa palang hindi sinira at ito ang pinag-agawan ng mga pulis, Nagkanya-kanyang kuha. Parang mga bata na nagkagulo para makakuha ng paputok.

Ilang araw din bago ang Bagong Taon, ipinakita ng PNP ang paglalagay ng masking tape sa bu-nganga ng baril ng mga pulis. Makaraang lagyan ng tape, pinirmahan pa ito para masiguro na hindi mababaklas ang tape. Kapag binaklas, malamang na pinaputok ito.

Isang araw makaraan ang Bagong Taon, isa-isang ininspeksiyon ang mga baril ng pulis. Sa mga ininspeksiyon ay walang nakitang palatandaan na inalis ang tape. Walang nagpaputok ng baril. Sumunod ang mga pulis sa utos ng kanilang hepe. Pero makaraan ang tatlong araw, lumabas na may mga pulis na nagpaputok ng baril.

Nakakadismaya ang balita sapagkat, malinaw ang direktiba ng PNP na walang magpapaputok ng baril. Mahaharap sa mabigat na kaso ang mga magpapaputok. Maaaring masibak sa puwesto ang mapapatunayan.

Ayon sa PNP, 18 katao ang inaresto sa pagpapaputok ng baril noong bisperas ng Bagong Taon. At lumabas na dalawa sa mga ito ay pulis. Ayon kay PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima, ang mga pulis ay mula sa Region 1 at Region 6. Hindi binanggit ni Purisima ang pangalan ng mga pulis pero sinisiguro niyang masisibak sa puwesto ang mga ito. Hindi patatawarin ang dalawang pulis sa ginawa nilang pagpapaputok ng baril.

Dapat maging halimbawa ang mga pulis. Sa kanilang ipinakita na pag-aagawan sa mga paputok na sila rin ang kumumpiska, ipinakita na wala silang disiplina, lalo na sa pagpapaputok ng baril. Kahit bawal, ginawa pa rin. Kahit na nilagyan ng tape ang baril, pinaputok pa rin.

Hindi maiaalis na maghinala na maaring may mga pulis na nakapatay ng sibilyan dahil sa pagpapaputok ng baril noong Bagong Taon. Maraming tinamaan ng ligaw na bala. Dalawang bata ang namatay. Sana, maging halimbawa ang mga pulis. Magkaroon sila ng disiplina. Sila ang dapat maging modelo.

 

vuukle comment

ALAN PURISIMA

AYON

BAGONG TAON

BARIL

DALAWANG

KAHIT

PERO

PHILIPPINE NATIONAL POLICE

PULIS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with