PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

‘Ina...anak...kapatid’

SUBUKIN man ng tadhana at paghiwalayin ng pagkakataon, harangin man ng sibat at mga tinik sa landas …ang ina ay ina, ang anak ay anak, ang kapatid ay kapatid!

Yan ang kultura nating mga Pilipino mula’t sapol pa at kinamulatan.

“Kahit hiwalayan ko asawa ko gagawin ko, bumalik ka lang…” panawagan ng isang anak sa kanyang ina.

Laking lola man si Amie Rezelle Camban Cajolo, 22 taong gulang wala siyang ‘sing sabik na makita ang inang tatlong taon ng nawalay sa kanya. Si Hazel Camban mas kilala sa tawag na “Inday”, 45 anyos.

Tubong Sultan Kudarat, Mindanao si Amie. Bata pa siya ng maghiwalay ang inang si Inday at amang si Raymundo Cajolo.  Naiwan siya at kapatid na si “April”, na noo’y sanggol pa lang sa lolang si Melly. Ina ni Raymundo.

Walang kinagisnang mga magulang sina Amie. Ang kanyang ama sa Maynila nagtrabaho bilang ‘family driver’ at dito na rin nakapag-asawa. Si Inday naman nag-Domestic Helper (DH) sa ‘Middle East’.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:

“Sa mga kwento lang ni lola nabuhay si Mama. Kung ano bang itsura niya, kulay niya at kung kamukha ba namin siyang magkapatid,” pagsasalarawan ni Amie.

Kinse anyos si Amie ng magkatotoo ang larawan ng inang inukit niya sa isip. Umuwi si Inday galing Dubai. Sa unang pagkakataon nagkita ang mag-iina.

Hindi maipaliwanag na pakiramdam… nailang siyang lumapit sa ina. Halos magtago siya sa likod ng lola subalit ng hilahin ni Inday ang kanyang kamay…mahihigpit na yakap at mga halik sa pisngi na ang kanyang natanggap.

“Lukso ng dugo ang umiral… matagal din akong nangulila sa ina…” wika ni Amie.

Kinailangang bumalik ni Inday sa Middle East. Taong 2007, nagdesisyon siya na dalhin ang mga anak kay Raymundo, sa Maynila para mag-aral.

Sa bahay ng ama, inabutan ng magkapatid ang babaeng pinakasalan ni Raymundo. Hindi naging madali kay Amie na pakisamahan ang asawa ng ama. Aminado si Amie na nagdalaga siyang isang rebelde dahil dito.

“Mahirap ang sitwasyon. Wala ring kasing anak sina papa kaya sa amin din sila nakatutok,” ayon kay Amie.

Lumayas si Amie sa puder ng ama. Iniwan niya ang kapatid kay Raymundo.

Kinupkop si Amie ng tiyuhin na taga Pasig City. Matapos maka-graduate ng hayskul dito na siya tumuloy.

Nakilala niya si Banico Ariel, 25 anyos. Kanya ring kapitbahay. Sa murang edad sumama siya kay Banico. Nag-live in sila sa Manggahan, Pasig.

Malaki ang naging galit sa kanya ng ina dahil dito.

“Hindi niya matanggap na ‘di ako nakapag-kolehiyo at sumama ako sa lalake. Mula nun ‘di na niya ko pinansin…” kwento ni Amie.

Lumipas ang mahabang panahon, wala ni kibuang naganap. Nakabalik si Inday sa Pilipinas,  ika-19 kaarawan ni Amie… Pebrero 26, 2009, matapos humingi ng tawad nagkaayos sila.

Ayon kay Amie, pinauwi nun si Inday sa Pilipinas matapos tubuan ng bukol sa kanyang balikat at malamang ‘anemic’ ito.

Sa Antipolo City na namasukan si Inday. Gipit man, mas naging maganda ang pakikitungo niya kay Inday. Maayos na sana ang lahat subalit mukhang sinusubok ang katatagan nilang mag-iina.

Buwan ng Marso ng parehong taon, nakarating na lang kay Amie na namatay ang kapatid na si April.

“Hindi na lang daw nakahinga ang kapatid ko… sinugod nila sa ospital pero wala na… patay na si April,” wika kay Amie.

Sinabi ni Amie na matagal ng may butas ang puso ng kanyang kapatid. Ginagamot daw ito subalit aminado siyang napabayaang kumain ng mga sitserya at ipinagbabawal na pagkain si April.

Walang kasing sakit para kay Inday na abutang patay ang kanyang bunso.

Sa isang linggong paglamay, walang tigil ang iyak ni Inday habang nakatingin sa kabaong ng anak.“Alam kong ‘di niya matanggap,” wika ni Amie.

Ilang araw matapos ang libing, namasukan si Inday sa isang ‘condo unit’ sa Taguig. Isang half-Korean national na tourist guide daw ang amo niya dito.

Pilit mang ibaon ni Inday sa limot ang pagkamatay ni April, ayon kay Amie nananatili ang bigat ng loob nito. Sinisisi niya ang anak at amang si Raymundo sa pagkamatay ng anak.

Nung parehong buwan at taon, tumawag si Inday sa cellphone number ni Amie. Anya niya, “Pinabayaan mo ang kapatid mo… Inuna mo ang pakikipag-live in. Ganun din ang ama mo. Inuna ang asawa niya! Kayo ang dahilan kung bakit nangyari ‘to…”

Walang nasabi si Amie kundi, “Sorry mama! Sorry….” habang umiiyak.

Matigas na si Inday… Isa lang ang nasagot niya sa anak, “Huwag ninyo na akong papakialamanan!” sabi nito sabay baba ng telepono.

Ito ang huling katagang narinig ni Amie sa ina. Mula nun wala ng Inday na nagpakita sa kanila. Lumipas ang ilang buwan, dumaan ang mga importanteng araw… subalit ni anino ni Inday ‘di na muling nakita ni Amie maging mga kaanak.

“Sinubukan namin tawagan si Mama, patay na telepono. Kahit sinong kapamilya niya sa probinsya ‘di matukoy kung nasaan na siya” wika ni Amie.

Sa ngayon tatlong taon ng pinaghahanap nila Amie ang inang si Inday. Wala siyang ideya kung nasaan na ito. Tanging ang paglapit sa amin ang naisip niyang paraan para malaman kung saan naroon si Inday. Kaya siya ang nagpunta sa amin.

Itinampok namin siya “CALVENTO FILES” sa radyo.“HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ (Lunes-Biyernes 3:00-4:00PM at Sabado 11:AM-12:00NN)

Tulad ng kahilingan ni Amie, kasama ng artikulong ito ang larawan ni Inday para maipagbigay alam sa amin kung nasaan na ang inang matagal ng hinahanap.

Para sa mga nakakaalam ng kinaroroonan ni Inday, mag-text o tumawag lang sa aming numero sa ibaba at ipagbigay alam sa amin ang inyong impormasyon sa lalong madaling panahon.

(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Ang aming numero 09213263166 (Aicel) /09198972854 (Monique) /09213784392 (Pauline). Tumawag sa 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Address: 5th floor Ci­tyState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Lunes-Biyernes.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: