Mag-live in partner huli sa aktong nagdo-droga
MANILA, Philippines — Arestado sa mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang mag-live-in partner makaraang maaktuhang nagpa-pot session sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Batasan Hills, Quezon City, kamakalawa ng hapon.
Ang dalawa ay kinilalang sina Sonnylyn Rueda, 26 at Nolly Boy Matira, 30 na kapwa residente ng Freedom Park 5, Brgy. Batasan Hills, Quezon City.
Nabatid na dakong alas-3:00 ng hapon ay isisilbi sana ng mga tauhan ng QPCD ang warrant of arrest laban kay Rueda dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang mandamyento de aresto ay inisyu ni Judge Marilous Runez-Tamang ng Quezon City Regional Trial Court Branch 98.
Nang salakayin ng mga awtoridad ang bahay ni Rueda ay naaktuhan nila ito at si Matira sa gitna ng pot session. Agad na inaresto ang dalawa at narekober mula sa kanila ang dalawang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, at mga drug paraphernalia.
Sa ngayon ay nakakulong ang dalawa sa QCPD Station 10 at nakatakdang sampahan ng panibagong kaso.
- Latest