MRT-3, tatlong beses tumirik
MANILA, Philippines - Tatlong beses nagkaroon ng aberya ang biyahe ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) kahapon.
Batay sa abiso ng Department of Transportation (DOTr), nabatid na dakong alas-5:09 ng umaga noong unang maganap ang aberya dahil sa “electrical failure”.
Ang ikalawang aberya ay naganap ng alas-6:41 sa southbound line ng Shaw Boulevard station dahil naman ‘signaling error’.
Ang ikatlong aberya ay naganap ng alas-2:59 ng hapon sa northbound section ng GMA-Kamuning station dahil sa electrical sub-components ng relay at breaker ng bagon.
Nasa 450 pasahero ang pinababa ng tren at naghintay ng 13-minuto sa pagdating ng panibagong bagon na nagsakay sa kanila patungo sa kani-kanilang mga destinasyon.
Ang tatlong tumirik na bagon ay hinatak pabalik ng MRT-3 depot sa Quezon Avenue, Quezon City para isailalim sa preventive maintenance.
Tulad ng dati ay agad na humingi ng paumanhin ang pamunuan ng MRT-3 sa mga pasahero apektado ng magkakasunod at panibagong aberya.
Ang MRT-3 ay bumibiyahe sa kahabaan ng Edsa mula sa North Avenue, Quezon City patungo ng Taft Avenue, Pasay City at vice versa.
- Latest