Motorsiklo sumalpok sa poste: 2 patay
MANILA, Philippines - Todas ang rider at angkas nito makaraang sumalpok sa poste ang sinasakyang nilang motorsiklo sa Marikina City, kahapon ng madaling araw.
Kapwa nasawi sa pinangyarihan insidente ang mga biktimang sina Crispulo Aballe, at Angel Abarca, kapwa residente ng Brgy. Tumana, Marikina City dahil sa matinding pinsala sa kanilang ulo at katawan.
Sa imbestigasyon ng Marikina police, nabatid na ang insidente ay naganap dakong alas-12:10 ng madaling araw sa Tumana Bridge, Marikina City.
Sinasabing pauwi ang mga biktima lulan ng Yamaha MIO motorcycle na minamaneho ni Aballe galing sa isang gimikan.
Mabilis umano ang takbo ng motorsiklo at pagdating sa pakurbang bahagi ng tulay ay hindi na nakapagpreno ang drayber nito na siyang dahilan para sumalpok sa poste na naging sanhi ng kanilang agarang kamatayan.
Inaalam pa ng pulisya kung nakainom ang mga biktima noong maganap ang aksidente.
- Latest