68 jails sa bansa drug free
MANILA, Philippines - Idineklara kahapon ng Bureau of Jail Management and Penology na 68 kabuuang jail facility sa bansa ang itinuturing na drug free, base sa inisyung sertipikasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ito’y matapos na ilabas na ng PDEA ang resulta ng pag-iinspeksyon sa performance ng mga jail facility sa iba’t-ibang rehiyon kaugnay ng pinaigting na drug campaign.
“Tuluy-tuloy ito, hindi kami titigil sa paglilinis ng mga jails na nasa aming pamamahala”, pahayag ni BJMP Chief Jail Director Deogracias Tapayan.
Nangunguna naman sa talaan ang BJMP Regional Office I kung saan 17 jails dito ang nasertipikahang mga drug free sa inilunsad na ‘Oplan Linis Piitan’ na isinagawa sa pakikipagtulungan ng PDEA at ng PNP.
Ang drug free certification program ay isa sa mga nangungunang proyekto ng BJMP upang masupil ang illegal drug operation sa mga piitan.
“You can be certified as drug-free if no illegal drugs were found in your jails during series of Greyhound Operations and of course, that has to be validated by members of the intelligence groups composed of the PDEA, PNP, and other allied forces”, paliwanag pa ni Tapayan.
“If malinis ang jail mo and the technical working groups are convinced based on records and intelligence reports, then that is the only time you will be certified by PDEA as drug free”, giit pa ng opisyal.
Sinabi naman ni BJMP Spokesman Jail Senior Inspector Xavier Solda, upang masertipikahang drug free ay dapat na magpakita ang mga jail facility ng pursigidong pagsusumikap sa anti-illegal drug campaign sa kanilang mga komunidad.
Bukod dito ay dapat magsagawa ng random drug testing sa mga inmates at personnel kabilang ang warden na dapat ay negatibo lahat sa paggamit ng anumang uri ng bawal na gamot.
“We have 481 facilities nationwide. It’s a long way to go pero hindi kami mapapagod kahit sino pa ang tamaan. Gagawin namin ang trabaho namin lalo pa at inspirado ang mga tao namin ngayon dahil sa dagdag na sweldo”, giit pa ng opisyal.
- Latest