3 wanted sa batas, nasakote
MANILA, Philippines — Tatlong wanted sa batas kabilang ang isang high school student ang naaresto dahil sa kasong rape, sexual assault, tangkang panununog at robbery sa magkakahiwalay na operasyon sa Las Piñas at Parañaque City kamakalawa.
Alas-2:30 ng hapon nang madakip ng Las Piñas City Police ang akusadong si Christian James, 16, estudyante ng Muntinlupa National High School, nakatira sa Sporlas Compound, Brgy. Upper Putatan, Muntinlupa City sa naturang lugar sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Joselito DJ Vibandor, ng Las Piñas City Regional Trial Court (RTC), Branch 199 dahil sa kasong rape at sexual assault. Walang inerekomendang piyansa ang korte para sa kasong rape habang sa kasong sexual assault ay nasa P200,000 ang piyansa.
Alas-4:30 naman ng hapon nadakip ang akusadong si Jacob Magdaluyo, 24, binata, ng #5210 Dandan St., Brgy. La Huerta, Parañaque City sa naturang lugar ng mga kagawad ng Warrant and Subpoena Section ng Parañaque City Police base sa warrant of arrest na inisyu naman ni Judge Noemi J. Balitaan, ng Parañaque City RTC, Branch 258 dahil sa kasong robbery.
Ang akusado namang si Jasmine Catherine Lopez, 23, may asawa, nakatira sa #12 Hidden Village, Brgy. San Isidro, Parañaque City ay nadakip din ng mga pulis sa nabanggit pa ring lugar alas-9:30 ng umaga sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Aida Estrella Macapagal, Branch 195, Parañaque City dahil sa kasong Attempted Arson. Nasa P120,000 ang inirekomenda ng korte para sa pansamantalang kalayaan nito.
- Latest