Trader ‘tinalo’ ng ka-lugar
P150k kita tinangay
MANILA, Philippines — Nalimas ang P150,000 koleksyon ng isang tindahan ng softdrinks makaraang kataluhin siya at pagnakawan ng kanyang kalugar na suspek, kahapon ng madaling araw sa Valenzuela City.
Pinaghahanap na ngayon makaraang makilala sa pamamagitan ng closed circuit television camera (CCTV) sa tindahan ng biktimang si Felix Canay, 69-, ang suspek na si Edmundo Navarro Jr., 25, ng Brgy. Malinta, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng pulisya, sinabi ni Canay na nagising siya para magkape dakong alas-4 ng madaling araw at upang magbukas na rin ng kanyang tindahan. Dito niya napansin na bahagyang nakabukas ang pinto ng kanyang tindahan kaya pinasok niya at natuklasan na nawawala ang “steel box” na pinaglagyan niya ng perang koleksyon sa loob ng apat na araw na nagkakahalaga ng humigi’t kumulang P150,000.
Sa imbestigasyon ng Valenzuela City Police-Station Investigation Unit, napanood sa CCTV camera sa loob ng tindahan ang pagpasok ng magnanakaw dakong alas-2:30 ng madaling araw nang tuklapin ang bubungan bilang daanan. Dito diretsong tinangay ng suspek ang steel box at tumakas nang dumaan sa pinto ng tindahan.
Nagsasagawa ngayon ng follow-up operation ang pulisya upang madakip ang suspek.
Nakikipagtulungan na rin ang Guiguinto, Bulacan PNP at maging ang mga magulang ng suspek sa Bulacan upang mapasuko ang suspek na nahaharap sa kasong robbery.
- Latest