Magkapitbahay nagsaksakan: Kapwa patay!
Dahil sa maingay na tugtog
MANILA, Philippines — Parehong patay ang magkapitbahay na lalaki matapos na sila ay magsaksakan dahil sa pinag-awayang ingay na naganap sa Quezon City kagabi.
Ang magkapitbahay na kapwa namatay ay kinilalang sina Marcos Lomosco, 49, may asawa, vendor; at Luisito Floralde, 64, may-asawa at kapwa residente ng Luisito St., Brgy. Gulod, Novaliches.
Ang dalawa ay nasawi habang ginagamot sa Novaliches General Hospital at Novaliches District Hospital na parehong nagtamo ng maraming saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nabatid na ang insidente ay naganap dakong alas-6:15 ng gabi sa tapat ng tahanan ni Lomosco.
Sinasabing mag-isang umiinom ng alak ni Lomosco at nagpapatugtog ng malakas na kanta sa kanyang cassette nang sitahin siya ng kanyang kapitbahay na si Floralde na noon ay nagluluto.
Ayon sa report, nakiusap ang lolong Floralde na hinaan ni Lomosco ang kanyang pagpapatugtog dahil natutulig na ang tenga nito pero sa halip na sumunod ay nagalit pa ang huli sanhi nang mainitang pagtatalo hanggang sa mauwi sa saksakan ng magkabilang panig na nagresulta ng kanilang parehong kamatayan.
- Latest