Riot sa Quezon City jail: 2 preso patay, 12 pa sugatan
MANILA, Philippines — Dalawang inmates ang nasawi habang 12 pa ang nasugatan makaraang sumiklab ang riot sa pagitan ng magkalabang gang sa Quezon City Jail Biyernes ng madaling araw.
Sa report ni Quezon City Jail Warden Supt. Ermilito Moral, dakong alas-4:05 ng madaling araw nang maganap ang riot sa pagitan ng ‘Bahala na Gang’ at ‘Batang City Jail’ sa lavatory ng plaza at basketball court ng nasa-bing piitan.
Kinilala ang isa sa dalawang nasawing inmate na si Edmundo Damondon, miyembro ng ‘Bahala na Gang’ na namatay sa cardiac arrest sa kasagsagan ng riot at ang isa pang nasawi na hindi pa pinangalanan ay nasaksak naman sa insidente.
Isinugod naman sa pagamutan, ayon kay Moral ang iba pa sa mga nasugatang preso.
Ayon sa imbestigasyon, nag-ugat ang riot matapos na isang inmate ng ‘Bahala na Gang’ ang aksidenteng matapunan ng tubig nang isang paupong natutulog na inmate ng ‘Batang City Jail.’
“Nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan dahil nabuhusan ng tubig yung ibang inmates dahil may isang preso na binabangungot na niru-rush sa infirmary, dito na sila nagkagulo,” anang opisyal.
Inihayag pa ni Moral na inakala umano ng kalabang gang na sinadya silang buhusan ng tubig kaya nagkasi-gawan ang mga ito at nagsalpukan.
Dito na nagkaroon ng rambulan ang dalawang magkalabang gang na nagbatuhan ng mga kahoy at upuan ang mga inmates.
Nasawata lamang ang rambulan ng mga preso matapos na magresponde ang mga elemento ng Quezon City Police District-Special Weapons and Tactics (QCPD-SWAT) team at Bureau of Jail Management and Penology Special Tactics and Response (BJMP-STAR) team.
Aminado naman ang mga lider ng dalawang gang na sanhi lamang ng hindi pagkakaunawaan ang pinagmulan ng nasabing riot.
Nabatid na hindi bababa sa 3, 416 na preso ang nakakulong sa naturang piitan. Patuloy ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad sa kasong ito.
- Latest