^

Metro

Lider ng Aegis Juris, kulong

Malou Escudero - Pilipino Star Ngayon
Lider ng Aegis Juris, kulong

Hindi mapigil nina Horacio Castillo at maybahay na si Carmina, mga magulang ni Atio na mapaiyak matapos na iprisinta sa Senate Committee ang FB Group chat conversation ng mga miyembro ng Aegis Juris na naglalaman ng umano’y mistulang pagtatakip sa pagkamatay ng kanilang anak. Habang pawang nakatungo ang ilang naturang miyembro ng fraternity na suspect sa hazing matapos lumutang sa nasabing pagdinig. Kuha ni Geremy Pintolo

Na-contempt sa Senado

MANILA, Philippines — Ipinakulong kahapon ng mga senador ang Aegis Juris member na si Arvin Balag na ilang beses na tumangging sagutin ang tanong ng mga senador partikular ang mga tanong ni Senator Grace Poe kung ito ang GP o Grand Protectus ng nasabing fraternity.

Ilang beses na nag -invoke si Balag ng kanyang “right against self-incrimination” na hindi naman ikinatuwa ng mga senador na kasapi ng komite.

“Member ka ba? O nagmamatigas ka na doon sa sinasabi mong code of silence doon sa text messages?” tanong ni Poe.

“Bata ka pa, ayaw kitang ma-detain lalo na sa Pasay City Jail. Hindi ko alam kung gusto mong patunayang you’re tough. Pick your battles, mahaba-haba pa ang laban na ito,” pahayag ni Poe.

Pero tumanggi pa rin si Balag na sagutin ang mga tanong ni Poe at isinangkalan ang kasong kakaharapin niya sa korte.

Mismong si Poe ang nagsulong na i-contempt si Balag na sinusugan naman ni Senator Joel Villanueva.

Inatasan ni Lacson ang Senate sergeant-at-arms na idetine si Balag matapos ang pagdinig.

Samantala, nabunyag din sa pagdinig kahapon ng Senate committee on public order and dangerous drugs na pinamumunuan ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang tangkang cover-up ng mga miyembro ng Aegis Juris sa pagkamatay ng freshman law student ng University of Santo Tomas na si Horacio “Atio” Castillo III noong Set­yembre 17.

Isiniwalat ni Manila Police District (MPD) director Chief Supt. Joel Coronel ang nadiskubre nilang online chat group ng mga miyembro ng Aegis Juris sa pagitan ng September 17 hanggang 18.

Kabilang sa mga sumali sa chat group sina Atty. Marvi Abo, Brian Bangui, Atty. Cecilio Jimeno, Atty. Alston Kevin Anarna, Atty. Ferdinand Rogelio, Atty. Edzal Bert Canlas, Atty. Cesar Ocampo Ona, Arvin Balag, Jose Miguel Salamat, Atty. Gaile Dante Acuzar Cabaan, Atty. Henry Parlo Jr., Atty. Michael Vito, Atty. Cesar Gaba Dela Fuente, Atty. Nino Servanez, Ronald Cheng, Atty. Angelo Ventura III, Milfen Alvarado, at Atty. Jet Dela Peña Villaroman.

Ayon pa kay Coronel, nag-meeting ang nasa 19 na miyembro ng nasabing  fraternity sa mismong araw na dinala ni John Paul Solano sa Chinese General Hospital si Castillo kung saan ito idineklarang dead on arrival.

Sinabi ni Coronel na base sa chat ng grupo, maliwanag na nagtangka ang mga miyembro na i-cover up ang kaso kung saan may nagbigay pa ng suhestiyon na ipalinis ang tinatawag na frat library kung saan napatay si Castillo at matanggal ang ginamit na paddle.

Base sa pagtatanong ni Senator Sherwin Gatcha­lian, nakuha nina Coronel ang impormasyon base sa Facebook chat messages na na-validate naman ng Anti Cybercrime Group.

Taliwas umano sa usa­pan sa chat group ang opis­yal na pahayag ng Aegis Juris na nais rin nilang magkaroon ng hustisya sa pagkamatay ni Castillo.

Samantala, sinabi naman ni UST Civil Law deal Nilo Divina na maglalabas siya ng isang counter affidavit na magpapatunay na hindi niya alam ang ginawang pagsa­sailalim kay Castillo sa hazing.

Sa pagsisimula naman ng pagdinig nagdesisyon ang komite na isiwalat ang pahayag ni John Paul Solano sa isinagawang executive session noong Setyembre 25 kung saan pinangalanan niya ang mga miyembro na nakita niyang nasa Aegis Juris library na pinaniniwalaang nagkaroon ng partisipasyon sa pagkamatay ni Castillo.

Pinangalanan ni Solano sa testimonya ang anim na miyembro ng fraternity at isang hindi miyembro na si Romeo Laboga na family driver ng pamilya ni Ralph Trangia. Kabilang sa mga tinukoy ni Solano sina Oliver John Audrey Onofre; Axel Munro Hipe; Arvin Balag; Mart Anthony Ventura; Zack Abulencia at Dan Ragos.

Si  Onofre umano ang tumawag kay Solano noong umaga ng Setyembre 17 at nagpapunta sa kanya sa frat library kung saan nakita niya ang katawan ni Castillo.

Isiniwalat rin ni Solano na si Balag ang pinuno ng fraternity at nagsabi sa kanya na magsinungaling sa mga awtoridad at sabihing nakita lamang niya ang katawan ni Castillo sa Balut, Tondo.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with