‘Kalayaan Lanes’ ipapatupad, ngayong Kapaskuhan
MANILA, Philippines — Bunsod ng inaasahang matinding trapik ngayong panahon ng Kapaskuhan, lumagda kahapon ng isang Memorandum of Agreement (MOA) ang pinagsanib na pwersa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Quezon City government hinggil sa ipatutupad na alternatibong ruta o tinaguriang ‘Kalayaan Lanes’.
Sinabi ni MMDA Chairman Danilo Lim, ang ipatutupad na ‘Kalayaan Lanes’ ay makakatulong para mabawasan ang trapik sa mga pangunahing lansangan sa Kalakhang Maynila, partikular aniya sa EDSA.
Nabatid, na itatalagang ‘Kalayaan Lanes’ ang ilang lugar sa Quezon City, na siyang gagamiting daanan o alternatibong ruta ng mga pribadong behikulo.
Ito ay ang mga lugar ng Amoranto Avenue; Balintawak Cloverleaf; Banawe St.; Biak na Bato; Congressional Avenue; Commonwealth Avenue; C-5 Road; D. Tuazon St.; Dapitan St.; De Jesus St.; Del Monte Avenue; EDSA; E. Rodriguez Avenue; Gilmore Avenue; Granada St.; Katipunan Avenue; Luzon Avenue; Maria Clara St.; Matimyas St.; Mayon Avenue; Mindanao Avenue; Quezon Avenue; Santolan Road; Santo Domingo Avenue; Scout Magbanua St.; Scout Tobias St.; Timog Avenue; Tomas Morato Avenue; Visayas Avenue at West Avenue.
Magtatalaga ng sapat na bilang ng mga traffic enforcer na siyang magmamantina ng daloy ng trapiko sa mga lugar na kabilang sa ‘Kalayaan Lanes”.
Katuwang dito sa pagpapatupad nito ang ilang ahensiya ng pamahalaan tulad ng Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Philippine National Police (PNP) at pamahalaang lokal.
Maglalagay din ng mga signages o karatula na gagabay sa mga motoristang dadaan sa mga tinaguriang ‘Kalayaan Lanes’.
- Latest