PSN Metro ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

‘Kulot’ inilibing na!

Sa isang apartment-type na nitso sa Pasig Public Cemetery inilagak ang mga labi ng sinasabing si Reynaldo ‘Kulot’ de Guzman kahapon na ngayon ay posible pa ring mu-ling buksan ng PNP,  depende kung kinakailangan sa kanilang patuloy na pagsasagawa ng imbestigasyon. (Kuha ni Michael Varcas)
 

MANILA, Philippines —  Inilibing na kahapon umaga ang sinasa-bing mga labi ni Reynaldo ‘Kulot’ de Guzman, matapos manindigan ang kanyang mga magulang na ito ang bangkay ng kanilang anak na natagpuan  sa isang estero sa Gapan City, Nueva Ecija kamakailan.

Bago ang libing ng 14-taong gulang na si ‘Kulot’  ay dinagsa  ng mga kaanak, mga kaibigan, kalugar at iba pang individual ang huling lamay nito sa Anak-Pawis covered court sa Brgy. San Andres sa Cainta, Rizal.

Dakong alas-8:00 ng umaga ay dinala ang mga labi ni ‘Kulot’ sa San Antonio Abad Parish sa Brgy.  Maybunga, Pasig City, para sa isang  misa.

Sa kanyang homiliya sa funeral mass para kay Kulot, nanawagan pa si Parish priest Fr. Jun Sanchez ng katarungan para sa binatilyo.

Umapela rin ang pari sa mga lider ng bansa na iwasan na ang pamumulitika at sa halip ay tutukan ang mga isyung kinakaharap ng mga mamamayan.

“Sa ating mga lider, sana po iwasan na ang pamumulitika, tapos na ang kampanya, tapos na ang eleksyon, marami po tayong problemang dapat harapin,” ani Sanchez.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:

Matapos ang funeral mass, itinuloy na ang mga labi ni Kulot sa Pasig Public Cemetery sa Brgy.  Caniogan, Pasig City, para tuluyan nang ihimlay sa kanyang huling hantungan.

Ang mga magulang ni Kulot na sina Mang Eduardo at Lina Gabriel, ay inalalayan ng mga staff ng Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DOJ), at nakasuot ng bullet proof vest bilang bahagi ng standard operating procedure.

Natuloy ang libing sa kabila ng pahayag ng Philippine National Police (PNP) na hindi si Kulot ang bangkay matapos na hindi magtugma ang DNA nito sa DNA ng kanyang mga magulang. Gayundin ng magkakaibang pahayag sa loob ng pamilya.

Nanindigan kasi ang mga magulang ni Kulot na anak nila ang bangkay dahil na rin sa ilang palatandaang nakita nila dito tulad ng patay na kuko, kulugo at peklat at itsura.

Si Kulot, ang sinasabing huling kasama ni Arnaiz nang mawala ang mga ito noong Agosto 18.

Unang natagpuan ang bangkay ni Arnaiz noong Agosto 28, na sinasabing nangholdap sa taxi driver na si Tomas Bagcal at nanlaban sa mga pulis-Caloocan kaya’t napatay, habang ang bangkay naman ni Kulot ay nadiskubre sa Kinamatayang Kabayo creek sa Gapan, Nueva Ecija noong Setyembre 5, na may 30-saksak sa katawan at nakabalot ang ulo sa packing tape.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: