Manila drug war, 25 utas
24 oras operasyon
MANILA, Philippines - Umaabot sa 25 katao ang napatay ng pulisya sa lungsod ng Maynila sa loob ng 24 na oras bunsod ng pinaigting na “anti drug at anti-crime operations” ng 10 istasyon ng Manila Police District (MPD).
Sinabi ni MPD Director P/Chief Supt. Joel Napoleon Coronel, sa 25 napatay, nasa 11 ang sangkot sa robbery holdup sa Sta. Cruz, Malate, Sampaloc, at Tondo, habang ang 14 na iba ay napatay naman sa buy-bust operations ng illegal na droga.
Pawang nanlaban aniya ang mga suspek habang inaaresto kaya’t napilitan ang mga pulis na ipagtanggol ang kanilang sarili na nagresulta sa kanilang pagkamatay.
Sa inisyal na mga ulat, kabilang sa mga drug personality na napaslang sina Rolando Solato, at Lexter Montaniel ng Sta. Cruz, Maynila; Rolly Mangilin, Edgardo Espanola, Godfrey Gutierez, sa Sampaloc, Maynila; Winzar Manangkal at isang alyas Boy Bakla sa Port Area, Maynila.
Ayon kay Coronel, nasa higit 40 operasyon ang isinagawa ng kanilang mga tauhan sa loob ng 24 na oras kabilang ang buy-bust operations, anti-criminality, pagsisilbi ng search at arrest warrants at pagpapatupad ng mga ordinansa ng lungsod.
Sinabi naman ni P/Supt. Erwin Margarejo, tagapagsalita ng MPD, na wala pang official reports ang lahat ng insidente kaya wala pang detalye ang karamihan sa mga operasyon na inaasikaso naman ng kanilang mga imbestigador sa Homicide Section.
Nilinaw niya na initial reports pa lang ang naturang bilang na maaaring madagdagan o mabawasan sa oras na matanggap at makumpleto na lahat ng police reports buhat sa kanilang mga istasyon.
Nanindigan rin ang opisyal na hindi sila nakikipagpaligsahan sa ibang police units makaraan naman na 32 katao ang mapaslang sa lalawigan ng Bulacan kamakailan.
Samantala, nasa 166 katao naman ang dinampot rin ng MPD sa ‘one time, big time operations’.
Nasa 48 sa mga nadakip ay sangkot sa mga kasong murder, iligal na droga, robbery, homicide habang ang 118 pa ay paglabag sa mga city ordinance.
- Latest