Engineers ng MRT-3 pinulong ng DOTr
MANILA, Philippines - Bunsod ng araw-araw na aberya sa biyahe kaya pinulong kahapon ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) ang mga engineers ng Metro Rail Transit (MRT-3).
Ayon kay DOTr Undersecretary for Rails Cesar Chavez, may mga key performance indicators na dapat na matamo muna ng maintenance service provider bago payagang makabiyahe.
“Ang instruction natin ay i-implement na nila kung ano yung memo ko noong October 18 at subsequently reiterated to General Manager [Rodolfo] Garcia sometime in February na walang iaakyat na train set hangga’t hindi sine-certify ng maintenance service provider na safely and technically reliable pagdating sa revenue line,” aniya.
Sabi ni Chavez, ipinipilit iakyat ang 20 (train sets) para hindi ma-penalize kahit sa hindi reliable na siyang dahilan ng sunod-sunod na aberya.
Iginiit ni Chavez na simula ngayon araw (Huwebes) ay walang tatanggapin ang transport department division ng MRT hangga’t hindi lumalagda ang yard master na tauhan ng maintenance service provider na ang tren na itu-turnover nila sa transport division para patakbuhin sa revenue line ay technically safe and operationally reliable.
Dahil sa sunod-sunod na aberya, humihingi ng paumahin ang DOTr sa publiko at sinabing patuloy silang gumagawa ng paraan at pagsisikap para hindi na maulit ito. Ang Busan Universal Rail Inc, ang maintenance provider ng MRT Line 3 na bumibiyahe sa kahabaan ng EDSA mula Quezon City hanggang Pasay City at vice versa.
- Latest