MRT-3, nagkaaberya ulit
MANILA, Philippines - Muling dumanas ng magkasunod na aberya ang mga tren ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sanhi upang mapilitang pababain ang kanilang mga pasahero, kahapon ng umaga.
Sa inisyung abiso ng pamunuan ng MRT-3, lumilitaw na naitala ang unang aberya dakong alas-6:26 ng umaga nang makaranas ng technical problem ang isa sa mga tren nito sanhi upang mapilitan ang pamunuan nito na pababain ang kanilang mga pasahero sa southbound ng Ortigas station.
Dakong alas-8:03 naman ng umaga nang muling nagkaproblemang teknikal ang isa nitong tren habang bumibiyahe sa pagitan ng Buendia at Ayala stations southbound.
Makalipas ang 15-minuto, sinabi ng MRT na pinababa na ang mga pasahero ng nasabing tren sa bahagi ng Ayala station.
Naibalik rin naman kaagad sa normal ang operasyon ng mga tren matapos na maayos ang problema.
Ang MRT-3, na bumibiyahe sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA), ang siyang nag-uugnay sa Taft Avenue, Pasay City at North Avenue, Quezon City.
- Latest