Mister, niratrat ng 8 armado
MANILA, Philippines - Patay ang isang mister matapos na ratratin ng walong hindi pa nakikilalang suspek habang ang biktima ay nakaupo sa tapat ng pinagtatrabahuhang shop sa Pasig City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Eastern Police District (EPD) Director P/Chief Supt. Romulo Sapitula ang biktima na si Joseph Neil, 42, may asawa at residente ng Rosario Ville sa Barangay Rosario.
Mabilis namang nakatakas ang walong di kilalang suspek na magkakaangkas sa apat na motorsiklo matapos na maisagawa ang krimen.
Batay sa ulat ni SPO1 Hermel Vergara ng Pasig City Police, nabatid na dakong alas-5:25 ng hapon nang maganap ang krimen sa labas ng pinagtatrabahuhang shop ng biktima na matatagpuan sa C. Raymundo Avenue, kanto ng Rosario Ville, sa Barangay Rosario.
Nakaupo ang biktima nang dumating ang mga suspek, at saka sabay-sabay na pinaputukan ng mga backrider ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Nang matiyak na napuruhan ang target ay mabilis nang tumakas ang mga suspek patungo sa di batid na destinasyon.
Walong basyo ng bala ang narekober ng mga pulis sa kinaganapan ng insidente.
Hinala ng mga pulis na may kinalaman sa ilegal na droga ang krimen matapos mabatid na kabilang ang biktima sa drug watchlist ng kanilang barangay pero iniimbestigahan pa ang insidente para mabatid ang tunay na motibo at madakip ang mga salarin.
- Latest