3-digit number coding at odd-even traffic scheme, balak ipatupad ng MMDA
MANILA, Philippines - Para mabawasan ang dami ng behikulo na tumatakbo sa mga lansangan sa araw-araw, pinag-aaralan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipatupad ang “three-digit number coding scheme at odd-even number traffic scheme at pagpapataw ng pinakamataas na multa sa mga violator.
Ayon kay MMDA chairman Danilo Lim, dapat aniyang mabawasan na ang mga behikulong bumabagtas sa mga lansangan ng Metro Manila, dahil nasa 2.6 hanggang 2.7 million mga behikulong nakarehistro, na mahigit na doble na aniya sa maximum na kapasidad nito na bumabagtas sa mga lansangan.
“Yung kalsada natin dito sa Metro Manila is only five to six percent of all the national road networks, so you have all the 36 percent ng lahat ng sasakyan nag-iipon-ipon lahat dito sa five percent na mga kalsada,” ani Lim .
“Napakahirap talaga nitong problema sa traffic, kailangan mabawasan talaga ang volume ng behikulo,” dagdag pa nito.
Sinabi ni Lim, bukod sa pinaplano nilang ipatupad ang “three-digit number coding scheme at metro-wide odd-even number traffic scheme, pinag-aaralan na rin nila ang pagpapataw ng pinakamataas na multa sa mga lumalabag sa batas trapiko.
Napikon si Lim sa mga nagrereklamo na matrapik sa Metro Manila kasabay ng pahayag nito na huwag siyang bibigyan ng time frame para masolusyunan ang trapik sa Metro Manila dahil mahabang proseso aniya ito.
“Wag niyo akong anuhan ng time dahil hindi niyo ako pwedeng itali sa time na yan. Hindi tayo time-bound,” sabi pa ni Lim.
Mahigit na aniya sa 20 taon ng problema ng gobyerno ang matinding trapik sa Metro Manila, subalit sila aniya sa pamahalaan ay ginagawa ang lahat ng programa at nagsisikap na masolusyunan ito.
- Latest