Police precinct sa Maynila, grinanada
MANILA, Philippines - Isang MK2 fragmentation hand grenade ang sumabog sa tabi ng isang Police Community Precinct makaraang ihagis ng isang motorcycle rider sa Arellano sa may Francisco Sts., sa Malate, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ni Manila Police District-Explosive Ordnance Division (MPD-EOD) chief, Senior Inspector Arnold Santos, rumesponde sila sa insidente ng pagsabog na naganap alas-3:15 ng madaling araw sa Arellano PCP na sakop ng MPD-Station 9 at narekober ang safety lever ng MK2 grenade sa 9 feet at 5 inches ang layo sa nilikhang ‘‘uka’’ o crater , ang pull ring naman ay nasa 18 ft., 7 inches ang layo.
Sa ulat naman ng SOCO Team, ang naukang semen-to sa kalye dahil sa pagsabog ay may sukat na .5 inches ang lalim, 7 inches ang taas at ang lapad ay nasa 7.5 inches.
Mismong sa tabi ng Fortuner na pag-aari ng hepe ng Arellano PCP na si C/Insp. Paulino Sabulao bumagsak at sumabog ang granada at nadamay din sa pagsabog ang katabing nakaparadang Ford Everest at Yamaha Mio motorcycle.
Patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng suspek na sakay ng pulang motorsiklo, nakasuot ng itim na jacket at helmet, na pinaniniwalaang armado ng baril, bukod sa inihagis na granada.
Nakita sa kuha ng closed circuit television (CCTV) ang pagdating ng suspek na huminto pa sa tabi ng presinto at nang siya ay umarangkada sa pagtakas patungong Osmeña Highway ay saka lamang sumabog.
Wala pang natukoy na motibo sa pagpapasabog.
- Latest