Lasing na sekyu nag-amok sa QC
MANILA, Philippines - Tiklo ang isang off-duty security guard matapos manggulo sa isang establisyamento sa lungsod ng Quezon ngayong Miyerkules ng umaga.
Nakilala ang suspek na si Hermigildo Marsula Jr. na residente ng Bulacan.
Ayon sa mga ulat, lasing si Marsula nang manutok umano ng baril sa apat na katao sa Centris Walk ng Eton Centris.
Nagdulot ng takot at kaguluhan ang insidente na naganap bandang alas-5 ng umaga.
Hinabol ang suspek ng iba pang security officers ng gusali dahilan upang magtago siya sa isang recruitment office sa One Cyberpod.
Kaagad namang rumesponde ang QC Police District at S.W.A.T. na napasuko ang suspek bandang alas-8 ng umaga.
Sinabi ni QCPD Chief Superintendent Guillermo Eleazar na may problema sa pamilya at pinansyal ang suspek.
Nilinaw din ni Guillermo na walang nangyaring lockdown sa lugar.
- Latest