Police asset nilikida sa gasolinahan
MANILA, Philippines - Patay ang barker ng jeepney na sinasabing police asset matapos itong ratratin ng ‘di-kilalang gunman habang nakatayo sa gasolinahan sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Napuruhan sa ulo ang biktimang si alyas “Rommel Baba” na naka-itim na t-shirt, itim na maong shorts at itim na tsinelas.
Hindi naman namukhaan ang gunman na lulan ng kuliglig na inilarawan sa suot na dilaw na jacket, camouflage na shorts at itim na bull cap.
Sa ulat ni PO3 Ryan Jay Balagtas ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang krimen dakong alas-4 ng madaling araw sa harapan ng gasolinahan sa panulukan P. Guevarra Street at Lacson Street sa Sta. Cruz.
Nakita ni Kagawad Joven Espinol na nakabulagta ang biktima makaraang makarinig ng putok ng baril habang tumakas naman gunman sakay ng kuliglig.
Pinaniniwalaang may kinalaman din sa droga ang pagpaslang sa biktima dahil isa umano itong police asset.
- Latest