Sa ‘in-city’ relocation walang maiiwan-Erap
MANILA, Philippines – Tiniyak ni Manila Mayor Joseph Estrada na walang maiiwan sa ‘ in city’ relocation sakaling buksan sa mga informal settlers sa Baseco Compound sa Tondo ang P44.5-milyong socialized housing project na tinatayo rito.
Sinabi ni Estrada na matatapos sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan ang Dubai housing sa Sitio Dubai, Baseco na isang “in-city” relocation program ng pamahalaang lungsod.
Tulad ng “no relocation, no demolition” policy ni Pangulong Rodrigo Duterte, sinisiguro ni Estrada na lahat ng informal settler families (ISF) sa lungsod ay nabibigyan ng pabahay bago alisin sa mga lupang hindi nila pag-aari. Sa ngayon ay 500 ISF na ang nai-relocate sa Bulacan, Rizal, Cavite, at Laguna.
“Dito sa Maynila, lahat ay pantay-pantay pagdating sa serbisyo at programa ng aking administrasyon, lalo na sa pabahay. Sa Dubai housing na ito, walang maiiwang luhaang informal settlers,” ani Estrada.
Kamakailan lang ay binisita ni Estrada ang Sitio Dubai kung saan itinatayo ang mga pabahay sa 3.5-ektaryang lupain. Ipapamahagi ito nang libre sa mga ISF sa Sitio Dubai.
Sa kasalukuyan, 32 bahay na ang natapos mula sa 128 na itatayo rito. Nitong Pebrero lang sinimulan ang konstruksyon.
Ayon naman kay City Engineer Roberto Bernardo,“state-of-the-art” ang bawat Dubai row house na may “green building design” upang malabanan ang epekto ng climate change.
Ang bawat isa ay may sariling rainwater harvesting system at grey water reuse system para mabawasan ang carbon dioxide emission sa atmosphere.
Malaki aniya ang matitipid ng pamilya sa gastusin sa tubig at kuryente dahil sa naturang rainwater harvesting system at grey water reuse system.
- Latest