1,220 traffic enforcers ikakalat sa SONA
MANILA, Philippines – Nasa 1,220 mga traffic enforcers ang ipapakalat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa darating na Lunes (Hulyo 25) para sa kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni MMDA Chairman Emerson Carlos, alas-12:00 ng madaling araw ng Lunes ay nakapuwesto na umano ang mga traffic personnel sa may Commowealth Avenue at kalapit na lugar ng Batasang Pambansa sa Quezon City.
Hindi na kailangang isara ang bahagi ng Commownwealth dahil hindi naman umano nila inaasahan ang mabigat na trapik dahil na rin sa kagustuhan ng Pangulo na ga-wing simple at normal lamang ang SONA upang hindi naman ito makakaabala sa publiko partikular sa mga commuters.
Ngunit nakahanda umano silang magpatupad ng ‘zipper lane’ kung kinakailangan.
Gayunman, payo pa rin ng MMDA sa mga motorista at commuters na patungong Commonwealth Avenue na maaaring gumamit ng alternative routes:
Para sa mga private/public utility vehicles (PUJs) na magmumula sa EDSA, maaring kumanan sa Mindanao Avenue, kanan sa Don Julio Gregorio, diretso sa Republic Avenue, kaliwa sa Fairlane o Regalado Avenue patu-ngong destinasyon at vice versa.
Ang mga private vehicles ay maaring dumaan sa Mindanao Avenue, kanan sa Quirino Highway patungong destinasyon at vice versa.
Ang mga private vehicles na mula Commonwealth Avenue maaring kumanan sa Dahlia Avenue, kaliwa sa Chestnut, kanan sa Republic Avenue, Don Gregorio Road, Old Sauyo patungong Mindanao Avenue at vice versa o mula sa Commonwealth Avenue, kanan sa Regalado Avenue, kanan sa Republic Avenue, Don Gregorio Road, Old Sauyo Road patungong Mindanao Avenue at vice versa.
Samantala, epektibo pa rin ang Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o kilala sa tawag na “number-coding” system sa Lunes.
- Latest