3 drug suspects, bulagta sa QC
MANILA, Philippines – Tatlong pinaghihinalaang drug suspects ang napatay nang maka-engkwentro ang mga ito ng mga tauhan ng District Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group ng Quezon City Police District (QCPD) kamakalawa ng gabi sa nabanggit na lungsod.
Ayon kay QCPD Deputy District Director for Operations Senior Supt. Joselito Esquivel, naganap ang engkwentro bandang alas-10:00 ng gabi kamakalawa sa may kahabaan ng Forest Street sa Diliman, malapit sa Central Avenue sa lungsod.
Kinilala naman Chief Insp. Enrico Figueroa, hepe ng DAID, ang mga nasawing suspects miyembro ng ‘Joselito Gonzales drug syndicate’ na sina Darwin Moralla, alyas Win, Virgilio Arsega, alyas Vergel at isa pang hindi pa nakikilala.
Ayon sa pulisya isang poser buyer nila ang ang nakipagkita sa isa sa mga suspek para bumili ng shabu na nagkakahalaga ng P10,000.
Nang makumpirma ng mga pulis na nagbebenta ng droga ang suspek, dadakmain na sana nila ito ngunit tumakbo papasok sa isang pinaniniwalaang drug den.
Humabol naman ang mga awtoridad subalit sinalubong sila ng putok ng baril ng mga suspect kung kaya gumanti na rin nang pagpapaputok ang mga pulis kung saan tinamaan ang suspect at dalawa pa nitong kasabwat sa pagbebenta ng droga.
Nakuha ng mga pulis ang impormasyon tungkol sa mga suspek mula sa mga nauna nang sumukong drug users at pushers sa QCPD.
- Latest