Janitor hulog mula sa kisame ng mall, lasog
MANILA, Philippines – Lasog ang isang janitor makaraang mahulog buhat sa nililinis na kisame ng isang mall sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Isinugod pa sa Manila Central University Hospital pero binawian din ng buhay dahil sa matinding pinsala sa ulo at katawan ang 21-anyos na si Ryan Agabon, ng Block 25 Lot 21 Phase 1 Paradise Village, Letre, Brgy. Tonsuya, Malabon City.
Sa inisyal na ulat ng Caloocan City Police Station Investigation and Detective Management Branch, nililinis ni Agabon ang kisame malapit sa receiving area ng isang mall na nasa Rizal Avenue sa Monumento dakong alas-9:20 ng gabi.
Gumamit umano ang janitorial services ng isang uri ng lifting machine na inooperate ni Leonardo Bactong, 31. Bigla umanong nawalan ng balanse ang lifting machine at tuluyang bumagsak sa sahig kasama ang biktima.
Agad na sinaklolohan naman ng mga kasamahan sa janitorial services ang biktima at isinugod sa pagamutan ngunit hindi na umabot ng buhay.
Isinasailalim naman sa imbestigasyon sina Bactong at Lopez ng Caloocan Police upang mas malinawan ang mga detalye sa naganap na insidente habang isinasailalim sa awtopsiya ang bangkay ng biktima.
- Latest