Mag-ina patay, tatay sugatan sa 3 nilang karpintero
MANILA, Philippines - Isang mag-ina ang nasawi habang sugatan naman ang ama ng tahanan makaraang paghahatawin ng tubo ng tatlong construction worker na gumagawa ng kanilang bahay sa Quezon City, kahapon ng madaling-araw.
Sa inisyal na ulat ng Quezon City Police District, ang mga nasawi ay kinilalang sina Princesita Villanueva, 66, at anak nitong si Christian, 38, call center agent. Habang sugatan naman ang mister ng una na si Ruben Villanueva, 68, retired government employee na ngayon ay ginagamot sa FEU hospital.
Naaresto naman ng pulisya ang dalawa sa tatlong mga suspect na sina Edilberto Escandor, 27; at Bernabe Escario, 30, pawang mga residente ng Muntinlupa City.
Ang isa pang suspect na nakilalang sa alyas na Biloy, foreman ng dalawa ay pinaghahanap pa ng awtoridad.
Base sa inisyal na imbestigasyon ni PO2 George Caculba ng CIDU, nangyari ang insidente sa bahay ng mga biktima na matatagpuan sa 1st St., Bitoon Circle, Brgy. Commonwealth, sa pagitan ng alas-12:30 hanggang ala-1 ng mada-ling-araw.
Lumalabas sa pagsisiyasat na ang mga suspect ay pawang mga stay-in na trabahador sa pinagagawang bahay ng mga Villanueva.
Bago ang insidente, lumabas umano ang mga suspect at nag-inuman.
Sinasabing sa pag-uwi ng tatlo ay nagising umano si Mang Ruben para umihi kung saan nasalubong nito ang mga suspek.
Pagpunta ni Mang Ruben sa kanilang banyo ay sinundan umano ito ni Biloy na may hawak ng tubo at pinalo hanggang sa bumuwal sa sahig.
Pagkabuwal ni Mang Ruben ay ikinulong ito ni Biloy sa loob, kung saan dahil sa ingay ay nagising naman si Christian at nagpasyang tignan ang pinagmulan ng ingay pero sinalubong siya ng mga suspect at pinagpapalo rin ng tubo.
Matapos saktan si Christian, hindi pa nakuntento ang tatlo at pinasok pa umano ng mga ito sa kuwarto si Aling Princesita saka pinagpapalo rin hanggang sa mapatay.
Matapos ang insidente ay agad na nagsitakas ang mga suspect patungo sa hindi mabatid na direksyon.
Ang insidente ay nalaman ng mga residente at ipinagbigay alam sa mga awtoridad kung saan agad nadakip si Escandor, habang si Escario naman ay nabatid na kusang sumuko sa Muntinlupa Police.
Ayon pa kay Caculba, base sa nakuha nilang ilang impormasyon, galit umano ang sinasabing motibo sa krimen, gayunman patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ukol dito.
- Latest