E-waste awareness isinulong
MANILA, Philippines - Nakatakdang maghain si Quezon City Councilor Karl Castelo ng isang ordinansa na magsasabatas sa paglalagay ng mga recycle bins o basurahan sa siyudad para sa tamang pagtatapon ng mga electronic waste (e-waste).
Ayon kay Castelo, ang mga e-waste ay mga cellphone, tablet, computer, battery at mga chargers na hindi na ginagamit.
Paliwanag ni Castelo na kailangan ang tamang pagtatapon ng mga e-waste upang ma-recycle ang mga ito at mapangalagaan ang kapaligiran at kalusugan ng publiko.
Aniya, ang mga e-waste na bumabagsak sa mga landfill at incinerator ang nagiging ‘toxic’ na nakakadumi sa hangin na hinihinga ng mga tao at lupa kung saan kumuha ng pagkain.
May mga establisimyento na namamahala sa e-waste recycling program, kabilang na rito ang mga malalaking telecommunication companies na handang tumulong upang maitapon ng maayos ang mga e-waste.
Sa kanyang panukala, dapat magkaroon ng sariling basuhan para sa e-waste ang bawat barangay sa Quezon City.
Ayon na rin sa mga pag-aaral, ang isang cadmium battery ay kayang kontaminahin ang may 600,000 litro ng tubig kung hindi ito maitatapon sa tamang paraan.
- Latest