Love triangle, motibo sa pagpaslang killer-cop ng car racer, timbog
MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang naresolba na ng pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) ang kasong pagpatay sa car racer champion na si Ferdinand “Enzo” Pastor, makaraang madakip ang sinasabing gunman at mastermind sa likod ng nasabing krimen.
Sa ulat ni QCPD director Chief Supt. Richard Albano, nakilala ang mga suspek na sina Domingo de Guzman III, alyas Sandy, negosyante ng BF homes Parañaque City; at ang trigger man nitong si PO2 Edgar Angel, nakatalaga sa Pasay City Police.
Ayon kay Albano, naresolba ang kaso ng pagpatay kay Pastor makaraang unang maaresto si Angel sa isang buy-bust operation ng Quezon City Police-Anti Illegal Drugs Special Operation Task Group (DAIDSOTG) sa Libis Quezon City noong nakaraang Sabado.
Sa isinagawang tactical interrogation ay inamin ni Angel na siya ang gunman sa pagpatay kay Pastor at itinuga ang siyang mastermind sa nasabing krimen na si De Guzman at asawa ni Pastor na si Dahlia.
Sabi ni Chief Insp. Rodel Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD, love triangle ang ugat ng krimen. Sinasabing si De Guzman at ang asawa ng biktima na si Dahlia ay may relasyon.
Ayon pa kay Marcelo, base sa salaysay ni Angel inamin nito na ang pagpatay kay Enzo ay may kabayarang P100,000 at bibigyan pa siya ng dagdag na P50,000 bilang bonus kapag tapos na ang trabaho.
Subalit, matapos maisakatuparan ni Angel ang pagpatay ay hindi pa sa kanya naibibigay ang nasabing pangakong bonus kung kaya sa mismong tanggapan ng CIDU habang iniimbestigahan ay muling kinontak ng una ang negosyante para sa nasabing pangako.
Positibo naman ang resulta, at tumugon si De Guzman at nagkasundo ang dalawa na magkita sa Sto. Niño Village, corner National Highway, Muntinlupa City, malapit sa talyer ng una para doon kunin ang pera.
Sakay ng kanyang Toyota Corona (UDU-725) ay dumating si De Guzman sa lugar, hanggang sa lapitan siya ni Angel, para kunin ang nasabing bonus. Nang iabot ni De Guzman ang pera kay Angel ay saka umaksyon ang tropa ng CIDU na pinamumunuan ni Chief Insp. Elmer Monsalve at inaresto ang negosyante, ganap na alas- 4:10 Martes ng hapon.
Narekober mula kay De Guzman ang isang kalibre .45 baril na may lamang limang bala at isang kalibre 9mm na baril na may lamang 10 bala sa loob ng sasakyan nito.
Sa sinumpaang salaysay ni Angel, sinabi nito na bukod kay De Guzman o alyas Sandy ay nakita at nakausap din niya ang isang babae na tinawag ng una na alyas Boss na noon ay may mga pasa sa mukha at braso.
Dagdag nito, ang tinutukoy umano ni Sandy na Boss ay kalaunan nalaman niya base sa ipinakitang litrato nito na si Daliah Pastor na asawa ng napatay na si Enzo Pastor.
Sabi pa ni Angel, nagawa umano niya ang krimen dahil sa kagipitan kung kaya nakumbinsi siya ni De Guzman at Daliah para gawin ang pagpatay kay Pastor.
Sinasabing binubugbog umano madalas ni Pastor ang misis na si Daliah.
Kaya anya niya inilahad ang pangyayari ukol sa pagpatay kay Pastor ay dahil nararamdaman na umano niya na siya na ang isusunod na ipapapatay ni De Guzman.
Pinaghahanap pa ng awtoridad ang suspek na si Dahlia.
Maaalalang si Pastor ay pinagbabaril habang sakay ng kanyang racer car noong Hunyo 12 sa may Congressional Avenue corner Visayas Avenue, malapit sa alas 10:20 ng gabi.
- Latest