Lolong senglot nalunod
MANILA, Philippines — Dahil sa sobrang kalasingan, patay ang 63-anyos na lolo matapos itong mahulog sa balsa habang naglalayag sa karagatan ng Barangay Dolaoan, bayan ng Anda sa Pangasinan kamakalawa ng gabi. Kinilala ang biktima na si Verbo Callado, mangingisda at nakatira sa nasabing bayan. Sa ulat ng pulisya na nakarating sa Camp Crame, naganap ang insidente sa karagatan ng nasabing lugar bandang alas-7:30 ng gabi. Ayon sa imbestigasyon, kasalukuyang lulan ng balsa ang biktima at ang 14-anyos nitong apong lalaki na kinilalang si John Paul Perez nang aksidenteng mahulog ang matanda. Nabatid na dahil sa sobrang kalasingan ay nawalan ng balanse ang matanda kaya nagtuluy-tuloy itong nahulog sa dagat hanggang sa malunod. Nagawa pang maisugod sa Regional Health Unit ang matanda pero idineklarang patay.
- Latest