2 notoryus na holdaper, sakote
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Kalaboso ang dalawang notoryus na holdaper sa Cagayan Valley matapos madakip ng mga operatiba ng pulisya sa inilatag na police operation sa bayan ng Sta. Maria, Isabela noong Linggo ng madaling araw.
Kinilala ni P/Senior Supt. Remus Medina, hepe ng Police Regional Intelligence Division ang mga suspek na sina Teddy Santos, 49, ng Barangay Cattaran, Solana, Cagayan; at Roberto Pestano, 48, ng Barangay Minanga Sur sa San Pablo, Isabela.
Batay sa ulat, nakatanggap ng impormasyon si P/Chief Insp. Ricahard Babaran, hepe ng Sta. Maria Police Station mula sa opisyal ng Barangay Naganaca kaugnay sa Mitsubishi Sedan (TMD 870) na umaaligid sa nasabing national highway.
Agad naman na rumesponde ang mga operatiba ng pulisya kung saan naaktuhan ang mga suspek na naglalagay ng barikada sa gitna ng highway para mangbiktima sana ng mga malalaking trak na dumaraan.
Nakumpiska sa mga suspek ang cal .45 pistol, 2 magazine, shotgun, mga bala; apat na cellphone, bonnet, face mask, kitchen knife, samurai at P19,000 cash.
Sinasabing ang dalawang suspek ay posibleng nasa likod ng serye ng panghoholdap sa mga dumadaang trak sa Isabela at Cagayan.
- Latest