12 NPA rebs/sympathizers, sakote
MANILA, Philippines — Umaabot sa 12 miyembro at sympathizers ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang nasakote ng militar sa itinayong checkpoint sa Barangay Utod, bayan ng Nasugbu, Batangas noong Lunes ng umaga.
Ayon kay Captain Melchor Durante, spokesman ng Army’s 2nd Infantry Division, ang 12 rebelde ay nasakote dakong alas-10 ng umaga sa di-kalayuan sa encounter site ng militar at ng komunistang grupo.
Base sa pahayag ng ilang residente sa nasabing lugar, ang 12 rebelde ay namataang humahangos ng takbo pasakay sa pampasaherong jeepney matapos naman ang engkuwentro sa pagitan ng mga sundalo at NPA rebels sa nasabing barangay.
“The said checkpoint was set-up in order to prevent the armed terrorists from fleeing from the encounter site,” ayon kay Brig. Gen. Arnulfo Marcelo Burgos Jr., commander ng Army’s 202nd Infantry Brigade.
Nabatid na ang grupo ng mga rebelde na nakasagupa ng militar ay nagtangkang manabotahe sa katatapos na ASEAN Summit sa Philippine International Convention Center sa Manila at ilan pang kaugnay na pagpupulong sa Southern Luzon.
Nakatakda namang sampahan ng kasong kriminal ang 12 rebelde na itinurnover na ng militar sa kustodiya ng Nasugbu Police Station.
- Latest